ni Renato Reyes Jr., BAYAN president
Sa wakas, nagsimula na ang paglilitis. Ang tagal din nating hinintay ang pagkakataon na ito.
Sa kabila ng mga isyung procedural na ibinato ng Minorya, at sa kabila ng mahabang diskusyon kung sino ba ang dapat maging presiding officer, maaari nang magpatuloy ang trial.
Narito ang ilang mahahalagang punto sa nagpapatuloy na impeachment trial:
- Pagsasapubliko ng Ebidensya: Ikinagagalak natin ang positibong desisyon na i-upload online ang mga ebidensyang ihaharap para makita at masuri ng publiko.
- Sa Isyu ng Presiding Officer: Ang Senado ang may ekskulisbong kapangyarihan sa usapin ng impeachment trial. May kapangyarihan din itong magtakda ng sarili nitong rules kung sino ang pwedeng maging presiding officer ng impeachment court kapag hindi ang Presidente ang nililitis. Nasa balikat na ngayon ni Sen. Escudero ang hamon na pamunuan ang paglilitis sa patas at bukas na paraan. Panahon lang ang makapagsasabi kung magagawa ito. Batid ng taumbayan na hindi ito mahihiwalay sa iba pang usapin na kinakasangkutan ng Senado ngayon at tiyak na babantayin din ito.
- Sa Voting Threshold: Sa ngayon, lumalabas na ang pasya ng presiding officer ng Senado ay 2/3 ng 24 (o 16 na boto) ang kailangan para ma-convict ang akusado. Gayunpaman, may legal options pa rin ang mga nagnanais na ibaba ang threshold na ito. Ang usapin sa botohan ay maaari pang resolbahin sa dulo ng trial kung may maghahabol man dito. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagpapakita ng mga ebidensya at pagharap ng mga testigo.
- Sa Pagbabalik ng BIR Box: May karapatan pa rin ang prosecution na hilingin na maiharap ito bilang ebidensya, at tiyak na pagbobotohan ito ng impeachment court kung papayagang ihain. Alinsunod sa ating pangunahing panawagan, dapat mailatag sa korte sa tamang panahon ang mga ebidensyang may kaugnayan sa nakaw na yaman o unexplained wealth.
- Sa mga Depensa ni VP Duterte: Hindi ang isyu kung sino ang nag-apruba ng transfer ng confidential funds ang nililitis dito. Ang tunay na isyu ay ang paggamit (utilization) ng pondo at ang pekeng pag-uulat (fake reporting) na ginawa ng OVP. Naglabas na ang COA ng final notice of disallowance kaugnay ng ₱125 milyong confidential funds noong 2022. Ang pinalalabas naman na nag-conduct ang Kamara ng “mini-trial” ay walang kinalaman at hindi isyu sa impeachment trial na ito. Gusto lang maglatag ng defense ng mga argumento para ma-dismiss ang articles of impeachment—isang bagay na hindi pinahihintulutan.
Inaabangan ng buong bayan ang paglalahad ng unang article of impeachment (tungkol sa death threats) bukas. Mariin nating tinututulan ang anumang taktika o hakbang para i-delay o guluhin ang isyu, dahil sa lahat ng articles of impeachment, ito ang pinakamalinaw na ebidensya at napanood naman ng publiko. Tatalakayin sa impeachment court kung ang ganitong pagbabanta ay nasa antas ng isang impeachable offense. Pagkakataon ito upang pag-usapan ang impunity at ang tila kinasanayan nang pagbabanta na papatayin ang mga kalaban sa pulitika.#