đ·: Health Alliance for Democracy / FB
ni Renato Reyes Jr., BAYAN president
Nakatambad sa taumbayan ang umaalingasaw na kabulukan ng sistema ng korapsyon at burukrata-kapitalismo sa bansa. Sa isang banda, nagpapatuloy ang proseso ng impeachment laban sa Bise Presidente na naglalantad sa korapsyon at abuso ng kapangyarihanâsubalit nababalot ito ng maniobrahan ng magkakalabang paksyong politikal. Sa kabilang banda, nananatiling hindi resolbado ang malawakang flood control scam at infrastructure corruption na papasok na sa unang taon mula nang mabunyag.
Nagpapaligsahan ang mga kampong Marcos at Duterte sa paglalarawan sa isaât isa bilang korap. Nais nilang parehong magmukhang taga-krusada laban sa katiwalian at tagapagtanggol ng interes ng taumbayan. Pinapapili tayo sa pagitan ng dalawang korap na paksyon habang pinapanatili ang sistemang bulok.
Tanong ng kampo ni Duterte: âBakit si Sara lang? Bakit si Marcoleta lang? Paano ang flood control scam na umaabot mismo sa Malacañang?â Bagamaât hindi nito maikukubli ang sariling korapsyon ng paksyong Duterte, nakakakuha ng traction ang linyang ito dahil mismo sa mga aksyon at kawalan ng aksyon ng rehimeng Marcos Jr. Nakikita ng publiko na sa loob ng isang taon, walang pananagutan ang mga main characters sa korapsyon. Ang isyu ay nagiging bargaining chip pa para sa negosasyon sa liderato ng Senado at sa impeachment. Ang mga pinangalanan at nagbitiw na opisyal na sangkot sa Malacañang kickbacks ay hindi naimbestigahan, at ang iba ay nakabalik pa sa gobyerno, tulad nina Usec Jojo Cadiz at Sec Amenah Pangandaman. Paano ito nangyari?
Dapat ilantad na si Marcos mismo ang nagpapahina sa kasong impeachment dahil sa âselective justiceâ ng rehimen pagdating sa mga alyadong sangkot sa korapsyon. Ang persepsyon na ang impeachment ay isang transactional na usapin ay umuukok sa kredibilidad ng proseso. Hindi ito kasalanan ng mga taong nagsusulong ng pananagutan ni Duterte; problema itong nilikha ng atras-abanteng rehimeng Marcos, na dati nang sinisi sa pagkadiskaril ng unang impeachment trial noong 2025.
Sa kabilang banda, makatarungan ang hangad ng mamamayan na magkaroon ng pananagutan sa apat na articles of impeachment na kinasasangkutan ng Bise Presidente. Hindi depensa ang pagtuturo na may ibang âmas korapâ na politiko kaya dapat iabswelto si Duterte. Hindi rin depensa ang âpolitical persecutionâ sa harap ng mga ebidensya ng pagtataksil sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust) at graft and corruption. Ang pag-abuso sa confidential funds, na dokumentado ng COA, ay naganap noong magkaalyado pa ang Marcos at Duterte noong 2022. Ang impeachment ay dapat husgahan batay sa mga ebidensya at sa aktwal na ginawa at hindi ginawa ng Bise Presidente.
Totoo namang lumaki ang mga unprogrammed appropriations at confidential and intelligence funds sa panahon ni Duterte, lalo na noong pandemya. Pinagpatuloy at pinalala pa ito ni Marcos sa kanyang panunungkulan. Totoong ligtas ang mga alyado ni Rodrigo Duterte sa mga kasong korapsyon noong kanyang panahon, at ganyan din ang nangyayari ngayon sa mga kakampi ni Marcos Jr.
Totoo, ang gulo ng pulitika sa bansa ngayon. Dapat paulit-ulit na ipaalala na nalubog tayo sa kumunoy na ito dahil sa tambalang âUniTeamâ noong 2022. Tinaguyod ni Marcos ang Duterte brand, at tinulungan naman ng mga Duterte na linisin ang Marcos brand. Matapos nito ay naghiawalay na sila ng landas dahil sa sariling hangad para sa kapangyarihan.
Kung may matututunan man tayo sa krisis na ito, pareho lang namang korap ang paksyong Marcos at Duterte. Parehong gumagamit ng retorika ng âaccountability,â âjustice,â at âgood governanceâ habang nagtataguyod ng sistema ng burukrata-kapitalismo. Magkakaiba man ng diskarte at kapakinabangan, pareho uri ang kanilang pinaglilingkuran. Yung mga bilyonaryo noong panahon ni Duterte, sila pa rin naman ang mga bilyonaryo sa panahon ni Marcos Jr. Huwag kalimutan na pareho nilang itinataguyod ang interes ng mga dayuhan, at umaasang patuloy silang susuportahan ng kanilang mga imperyalistang patron hanggang 2028.
Kung pipili lang tayo sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang paksyong ito, hindi makakamit ang tunay na pagbabago. Mananatili lang tayo sa cycle of corruption at bulok na sistema. At kung tatanaw lang tayo sa eleksyong 2028âna pinaghaharian pa rin ng mga political dynasty, pinanghihimasukan ng mga dayuhan, at pinatatakbo ng kaduda-dudang automated electionsâmag-iilusyon lang tayo na may makabuluhang pagbabagong magaganap.
Sa darating na SONA 2026, sa kainitan ng impeachment trial at anibersaryo ng âMahiya naman kayoâ speech ni Marcos Jr., tampok na usapin ang krisis sa pulitika at ang umaalingasaw na korapsyon ng naghaharing sistema. Pinapalala nito ang permanenteng krisis sa ekonomiya: kahirapan, kawalan ng lupa at trabaho, at kakulangan sa serbisyong panlipunan. Naka-ugat ito sa kawalan ng tunay na soberanya at sa pagtindi ng imperyalistang panghihimasok ng US sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Binibigyang-katwiran nito ang makatarungang paglaban ng mamamayan, bagay na sinusupil naman ng rehimeng Marcos. Asahan, haharangan na naman tayo sa Commonwealth Avenue.
Sa araw ng SONA, hindi tayo pipili sa pagitan ng dalawang korap na paksyong sariling interes lang ang itinataguyod. Panawagan natin: lahat ng sangkot ay dapat managot sa korapsyon at pagpapahirap sa taumbayan. Panawagan nating papanagutin kapwa sina Marcos at Duterte at ang kanilang mga alipores. Higit pa sa kagyat na kahilingang ito, panawagan natin sa taumbayan na kumilos upang buwagin sa bulok na sistema na ang nakikinabang lamang ay ang mga dayuhan at ang iilan.
Huwag nang magpabudol sa alinman kay Marcos at Duterte. Piliin ang interes ng taumbayan. Magmulat, magpakilos at mag-organisa. Taumbayan ang mapagpasya.#