Mon. Aug 10th, 2026

Kinompirma ng Malacañang nitong Lunes ang pagtatalaga kay Dr. Edwin Mercado, Pangulo at CEO ng PhilHealth, bilang bagong Kalihim ng Kalusugan. Pinalitan niya si Dr. Jose Brittanio Pujalte Jr. na nagbitiw sa puwesto makalipas lamang ang mahigit tatlong linggo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kusang nagbitiw si Pujalte dahil sa kalusugan. “Ang naipaabot sa atin ay kusang nagresign si Secretary Pujalte dahil na rin sa kanyang kalusugan… Siya naman po ang boluntaryong nagresign at ito ay tinanggap ng Pangulo,” ani Castro.

Itinalaga si Pujalte noong Hulyo 13, 2026, ngunit naharap sa mga reklamo mula sa ilang grupo kaugnay ng umano’y pagsusugal.

Sinabi ni Castro na kung may kasong naisampa, ito ay “nasa kamay na ng Ombudsman” para sa imbestigasyon.

Nagpahayag ng tiwala ang Palasyo kay Mercado, binigyang-diin ang kanyang karanasan sa pamumuno ng PhilHealth. Itinalaga naman si Dr. Beverly Lorraine Ho, dating deputy spokesperson ng DOH, bilang pansamantalang Pangulo at CEO ng PhilHealth. #

By admin