IDINEKLARA ng Malacañang ang Enero 27 bilang holiday para sa mga Muslim bilang paggunita sa Isra Wal Mi’raj.
Nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang holiday na ito ay partikular na ipatutupad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang itinalagang Muslim areas na nakasaad sa Muslim Code.
Binigyang-diin ni Bersamin na ito ay “hindi National Holiday, kundi isang Muslim holiday lamang sa BARMM at iba pang Muslim na lugar na tinukoy sa Muslim Code.”
Bukod pa rito, ang mga Muslim na naninirahan sa mga hindi Muslim na rehiyon, kabilang ang National Capital Region, ay pinahihintulutan na lumiban sa trabaho sa araw na ito.
Ang Isra Wal Mi’raj ay ginugunita ang pambihirang paglalakbay ni Propeta Muhammad mula sa Mecca hanggang sa Al-Aqsa Mosque sa Jerusalem, gayundin ang kanyang pag-akyat sa pitong langit.