Inihayag ito ng puganteng si ret. police B/Gen. Narciso Domingo sa isang video message na ipinaskil sa Facebook.
Si Domingo, dating PNP Drug Enforcement Group director, ay nagtago matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya at 29 iba pang opisyal ng PNP kaugnay sa P6.7-billion drug bust noong 2022.
Giit ni Domingo, may “miscarriage of justice” sa naturang kaso dahil gusto lamang silang gantihan ng mga tunay na sangkot sa kaso na nalugi ng pitong bilyong piso matapos nilang makompiska ang isang toneladang shabu.
Nangangamba siya na kapag sumuko ay magaya kay dating Sen. Leila de Lima na pitong taon nakulong bago naabsuwelto sa mga kaso at nakalaya.
Panawagan niya kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, alamin ang tunay na pagkatao ng mga testigo ng kalihim sa intelligence community .
“Para maniwala ka , Sir Jonvic, nariyan naman po ang Directorate for Intelligence ng PNP, ang ISAFP, ang PDEA at ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) para makilala mo ang tunay na pagkatao nitong mga witnesses mo,” ani Domingo.
“Please reconsider, Sir. Review and amend possibly withdraw your non-bailable complaints against us. Hindi po kami ang kalaban dito,” dagdag niya.
Hinimok din ni Domingo si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na repasuhin at amyendahan ang mga isinampang kaso laban sa kanya dahil ito aniya ay idinesenyo para makalabas ang tunay na mga salarin, si Master Sgt. Rodolfo Mayo at mga boss nito.
“To Secretary Boying Remulla, Sir, let me remind you na dalawang beses po akong nag-report sa inyo. At one time ipinatawag mo si General Prosecutor Fadullon, at si Atty. Magno ng NBI para tulungan ako para maging airtight, para hindi makawala si Mayo sa kaso niya . Pinalitan pa natin yung dalawang prosecutors ng dalawang senior prosecutors para hindi basta-basta ma-intimidate ng mga kasabwat ni Mayo. Please review also, Sir, the filed cases, planting of evidence, bungling of cases,” wika ni Domingo.
“These are designed para makalabas si Mayo, makalabas yung mga boss niya, at kami, bilang ganti nila sa amin na nalugi sila ng worth 7 billion ng drugs ay kami ang makukulong. Please, Sir, review and amend the charges. This is a miscarriage of justice,” giit niya.
“Sa ating Pangulong Bongbong Marcos, Sir, I am praying that you will bring back common sense and order over this brouhaha, over this miscarriage of justice,” mensahe niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (ROSE NOVENARIO)