PAG-AARALAN pa ng Malakanyang kung uubra ang panukalang P200 across-the-board daily wage hike ng mga manggagawa para malaman kung ano ang magiging epekto nito sa maliliit na negosyo at maaaring magpalobo ng presyo ng mga bilihin.
“Pag tinaas ‘yung minimum wage, mababawasan ang kanilang empleyado kasi ganoon pa rin ‘yung pera nila. Hindi naman madadagdagan ‘yung pera na pambayad nila ng suweldo,” sabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pahayag ni Marcos Jr. ay reaksyon sa ipinasa ng House Committee on Labor and Employment na panukalang batas na nagtatakda na “all employers in the private sector… regardless of capitalization and number of employees, to pay their workers an across-the-board wage increase of P200 a day.”
Ipinahiwatig ni House Speaker Martin Romualdez na maaaring isulong ng Mababang Kapulungan ang P200 wage hike.
Binigyan diin ni Marcos Jr. na kinikilala naman niya ang pangangailangan ng mga uring manggagawa na harapin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngunit ang mga negosyante ay nagpahayag ng pangamba sa panukalang umento sa sahod.
Giit ng Pangulo, ang panukalang batas ay makaaapekto sa micro, small and medium enterprises — ang pinakaraming rehistradong negosyo sa Pilipinas. (ROSE NOVENARIO)