Sat. Aug 8th, 2026

“NAKAKAHIYA sa taumbayan, hindi porke nanalo ka, puwede mo na gawin lahat ng gusto mo.”

Inihayag ito ni Senator-elect Tito Sotto patungkol sa mga senator-judges na bumoto pabor sa mosyon na nagbalik sa articles of impeachment sa Mababang Kapulungan.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo, iginiit ni Sotto na ipinagbabawal sa impeachment court na mismong senator-judge ang maghain ng mosyon dahil ito’y katumbas ng pag-aktong abogado para sa isang akusado o para sa prosekusyon.

Puwede lamang aniya ang paghahain ng mosyon sa Senado bilang legislative body at hindi isang impeachment court.

Ikinagulat din ni Sotto na sinabi sa mosyon na may “infirmities” ang articles of impeachment gayong hindi pa pormal na naiprisinta ng prosecution panel mula sa Mababang Kapulungan.

“Na-presenta na ba ang articles of impeachment kaya mo nasabing may infirmities?” tanong ni Sotto.

Pinintasan din niya ang hindi pagsunod mismo ni Senate President Chiz Escudero bilang Presiding Officer sa rules and procedures ng impeachment court, pati ng senator-judges.

“Like for example pinanonood ko sila kung sinu-sino nagtataas ng kamay , nire-recognize naman ng senate president. Hindi ganun. Dapat dyan yung majority leader ang magsasabi kung sino ang ire-recognize. Kaya nga majority floor leader,” sabi niya.

“Sa panahon ko at nang ibang naging majority leader, hindi ka puwede magtaas-taas ng kamay hanggang hindi ka nagpapaalam sa akin. Hindi yung taasan nang taasan ng kamay. Kaya nag-aaway eh. Kung anu-ano pinagsasabi, Hindi puwede yun. Dapat dyun yung majority leader ang magsasabi kung sino ang ire-recognize,” dagdag ni Sotto.

“Sino yung hindi sumusunod sa rules, yung senate president mismo.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *