BUMIDA muli ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang 2025 SONA pagdating sa serbisyong pangkalusugan, libreng bayarin sa mga ospital ng Department of Health (DOH), pinalawak na PhilHealth coverage, dagdag na imprastruktura. Ngunit para sa Health Workers Partylist, ito’y sintomas lang ng mas malalim na sakit: ang patuloy na pagtrato sa kalusugan bilang isang plataporma sa halip na karapatang pantao.
Hindi ito basta batikos, ito ay masusing pagsusuri. At kung walang totoong aksyon, mananatiling kritikal ang kalagayan ng sistemang pangkalusugan.
Sa kabila ng mga pangako ng libreng serbisyo, heto ang totoong nararanasan ng mamamayan:
– Kontraktuwal ang mga doktor, lalo na sa mga rural na lugar, paano magbibigay ng tuloy-tuloy na serbisyo kung kada anim na buwan ay tapos ang kontrata?
– Siksikan ang mga pampublikong ospital, marami ang hindi ma-admit o kailangang maghintay ng linggo’t buwan para sa kama.
– Ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) programs, bagama’t makabago, ay umaasa sa iilang health workers na labis nang napapagod at kulang sa bilang.
– PhilHealth, na dating sandigan ng health financing, ay ginawang bangko ng gobyerno at nilason ng mga isyung korapsyon.
Hindi ito magkakahiwalay na problema, ito ay mga magkakaugnay na palatandaan ng kakulangan sa pondo, pamumuno, at pananagutan.
Tama ang panawagan ng Health Workers Partylist laban sa Medical Assistance to Indigent (MAIP) at Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP): huwag gawing politikal ang pondo ng kalusugan. Hindi dapat nagmamakaawa ang pasyente para sa serbisyong dapat ay garantisado ng gobyerno.
Samantala, nananatiling malaya ang mga sangkot sa anomalya ng PhilHealth, Pharmally, at DOH, bilyon-bilyong piso ng mamamayan ang nawawala, habang ang mga ospital ay kulang pa rin sa kama, gamot, at tauhan.
Naglalatag ng malinaw na reseta ang Health Workers Partylist:
– Ilaan ang 5% ng GDP sa serbisyong pangkalusugan, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.
– Wakasan ang kontraktuwalisasyon at tiyakin ang nakabubuhay na sahod, ₱36,000 para sa health workers, ₱50,000 para sa mga nars at allied professionals.
– Palakasin ang barangay health stations, rural health units, at pampublikong ospital para masaklaw ang pangangailangan ng lahat.
– Ipatupad ang ganap na libre at state-funded healthcare, hindi lang sa salita kundi sa aktwal na serbisyo.
Hindi lang ito usapin ng pondo, ito ay usapin ng pagpapahalaga. Ang kalusugan ay karapatan, hindi pribilehiyo.
Ang paninindigan ng Health Workers Partylist na makibaka kasama ang mamamayan ay paalala: tunay na pagbabago ay hindi inaasahan, ito’y pinupunan at ipinaglalaban. Malinaw at matapang ang kanilang panawagan: isang sistemang pangkalusugan na komprehensibo, makabayan, at nakasentro sa tao.
Sa isang bansang tinatawag na “bayani” ang health workers pero itinuturing silang disposable, karapat-dapat lang ang panawagan: Tama na ang band-aid solutions. Panahon na para sa totoong operasyon.