Sun. Mar 15th, 2026

Mariing kinondena ng grupong Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang mensahe ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month, iginiit na walang batayan ang anumang pahayag ng suporta mula sa opisyal na anila’y may mahabang kasaysayan ng panunupil sa mga katutubong mamamayan.

“Hindi kailanman pinahalagahan ni VP Sara Duterte ang karapatan at kagalingan ng mga Katutubong mamamayan sa bansa. Mula nang siya ay alkalde ng Davao hanggang sa maging bise-presidente, hindi kailanman naging ligtas ang mga Katutubo sa karahasan at panunupil,” ayon sa kalatas ng Katribu.

Ayon sa Katribu, isa sa mga matinding hakbang laban sa mga Katutubo ay ang pagpapasara ng Department of Education (DepEd) sa 55 Lumad schools sa rehiyon ng Davao noong 2019, kung saan dalawa ay nasa mismong lungsod ng Davao. Noong 2020, iniulat din ang pananakot at harassment ng mga armadong grupong paramilitar sa Lumad Bakwit School sa Haran, Davao City.

Giit ng grupo, simula 2022, sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte, tumindi ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga Katutubo.

Kabilang sa mga tinukoy ng Katribu ay ang:

– Pagkakatalaga sa mga lider ng Cordillera Peoples Alliance bilang mga terorista.

– Sapilitang pagkawala ng mga Indigenous rights defenders na sina Dexter Capuyan, Bazoo de Jesus, at Felix Salaveria Jr.

– Pagbobomba sa mga komunidad ng Katutubo.

– Pamamaslang sa mga kabataang Katutubo na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno.

– Patuloy na pagkakakulong ng mga indibidwal na inaresto sa mga umano’y gawa-gawang kaso.

Sa halip na pagbati, iginiit ng Katribu na ang tunay na pangangailangan ng mga Katutubo ay hustisya at serbisyong panlipunan.

“Ang milyon-milyong pisong nilustay at ninakaw ni VP Sara ay dapat napunta sa edukasyon at kalusugan para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino, lalo na ng mga Katutubo.”

Nanawagan ang grupo na panagutin si VP Sara sa umano’y pangungurakot at kapabayaan sa tungkulin, sabay giit na ang mga Katutubo ay hindi kailanman naging ligtas sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Kaya hindi namin kailangan ng pagbati, VP Sara. Ang kailangan namin ay hustisya at tunay na serbisyong panlipunan. Managot ka sa pangungurakot sa kaban ng bayan. Ang milyon-milyong pisong iyong nilustay at ninakaw ay dapat napunta sa edukasyon at kalusugan para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino, lalo na ng mga Katutubo,” pagtatapos ng grupo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *