Sun. Mar 15th, 2026

Isinampa na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kasong tax evasion laban sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, matapos matuklasan ang umano’y hindi pagbabayad ng buwis na umaabot sa mahigit ₱7.1 bilyon.

Ngayong umaga, personal na isinampa ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang reklamo sa Department of Justice (DOJ). Kasabay nito, isinampa rin ang kaso laban sa isang opisyal ng St. Gerard Construction Gen. Contractor and Development Corporation, kung saan konektado ang Discaya couple.

Ayon sa BIR, lumabas sa kanilang imbestigasyon na may malalaking tax deficiencies ang kumpanya at mga opisyal nito—kabilang ang hindi deklaradong kita at maling pag-file ng tax returns.

“Batay sa aming imbestigasyon, may kabuuang ₱7.1 bilyon silang hindi nabayarang buwis mula sa individual income taxes, excise taxes ng siyam na luxury vehicles, at documentary stamp taxes sa mga transaksiyong hindi kailanman na-file o nabayaran,” ayon kay Lumagui sa paskil sa Facebook.

“Ito pa lamang ang simula. Ang mga kasong ito ay nakatuon sa kanilang personal tax liabilities; patuloy pa ang aming audit sa mga kumpanyang pag-aari ng mga Discaya, at inaasahan naming mas marami pang tax deficiencies ang mabubunyag,” dagdag niya.

Bahagi ito aniya ng mas pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa mga malalaking tax evaders sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) Program, na layong papanagutin ang mga lumalabag sa batas sa pagbubuwis at palakasin ang koleksyon ng pondo para sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

“Walang contractor o opisyal ng gobyerno ang dapat makalusot sa pananagutan. Ang hindi pagbabayad ng buwis ay isang mabigat na paglabag sa batas, at sisiguraduhin naming mapanagot ang mga sangkot,” wika ni Lumagui.

Hinimok niya ang publiko na isuplong sa kanya ang mga contractor na umiiwas sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.

“Kung may alam kayong contractor na umiilag sa kanilang obligasyon, isumbong sa [email protected].” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *