Nauwi umano sa pagtatalo ng mga miyembro ng Independent Commission for infrastructure (ICI) at Sen. Mark Villar ang pagdinig noong Martes kaya ineskortan palabas ang senador.
Napaulat na nag-ugat umano ito sa mga katanungan kay Villar kung paano nabigyan ang mag-asawang kontratistang Curlee at Sarah Discaya ng 700 proyektong nagkakahalaga ng ₱37 bilyon mula 2016 hanggang 2022.
Nakakuha rin ng 450 flood control projects ang mag-asawa na nagkakahalaga ng ₱40 bilyon mula 2022 hanggang 2025.
Habang 339 government infrastructure projects sa Las Piñas, 13 ay nasungkit ng tatlong construction firms na pagmamay-ari ng mag-asawang Discaya mula 2022–2025.
Sa naturang pagdinig, inamin ni Villar na isa sa mga contractor na nakakuha ng multi-milyong halaga ng proyekto sa Las Piñas ay kanyang pinsan na si dating city councilor at natalong mayoralty candidate Carlo Aguilar.
Tanging larawan lamang ni Villar habang nanunumpa bago ang ICI hearing ang inilabas sa media at walang binanggit hinggil sa umano’y naganap na sagutan ng senador at mga miyembro ng komisyon.
Kung ibinubukas lamang sana sa publiko ang pagdinig sa ICI, tulad ng tradisyon sa Kamara at Senado, maiiwasan hindi lamang ang pagdududa ng madla sa mga kaganapan sa hearing, kundi maging ang asal ng mga iniimbitahan na resource persons ng komisyon. (ROSE NOVENARIO)