Fri. Feb 13th, 2026

Napakaimportante ng mga isisiwalat ng pinakaabangang “very important witness” ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nobyembre 14.

“Importante kasi puwedeng ma-wrap-up ‘yung lahat ng puwedeng malaman patungo pati sa prosecution at conviction,” sabi ni Lacson hinggil sa kanyang bagong testigo.

Tiniyak ni Lacson na bago ang mga detalyeng ibubunyag ng saksi.

Isinasapinal na aniya ang affidavit ng testigo pati ang mga ebidensyang hawak niya upang suportahan ang kanyang ikakanta sa komite.

“Pinapa-finalize ko ‘yung affidavit within the week kasi base sa kuwento at base sa mga dapat ebidensya, mga dokumento, ledger, digital files, lahat ng notes. Kasi sabi ko sa kanya, kung magme-mention lang ng pangalan na walang suportang dokumento, wag na lang mag-mention kasi baka makasira lang ng tao,” lahad ng senador.

“Maski may personal knowledge kung wala naman siyang supporting documents, wag na lang magbanggit. Iyon ang aming usapan,” dagdag niya.

Kaugnay nito, sinabi ni Lacson na sa kasalukuyan ay hindi tatayo ang mga inihayag ni dating Marine Sgt. Orly Guteza sa komite dahil wala itong naipakitang ebidensiya para susugan ang kanyang alegasyon at walang ibang testigo na magpapatunay sa kanyang testimonya.

Ang dalawang umano’y dating kasamahan ni Guteza na security personnel ni dating Cong. Zaldy Co ay wala na sa bansa, batay sa impormasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

“When he (Senate President Tito Sotto) checked, sabi ni Sen. Bato, mukhang nag-join-up na, sabi, kay Cong. Zaldy Co . We’re still validating. Madali naman yun. We will check with Immigration kung talagang may departure assuming that they used their real names,” ani Lacson.

Matatandaan na si Guteza ang nagsiwalat sa komite na kasama siya sa naghatid ng mga maletang naglalaman ng daan-daang milyong piso sa bahay nina dating Speaker Martin Romualdez at Co. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *