Fri. Feb 13th, 2026

Ang ‘kunwaring pag-aalala’ ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa posibleng karahasan sa ilulunsad na kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa Nobyembre 30 ay nagpapakita ng takot na panagutin siya, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)

Ayon sa grupo, sinusubukan ni Marcos Jr. na kontrolin kung paano ipapahayag ng taumbayan ang kanilang galit sa patuloy na malawakang katiwalian, kabilang ang pag-apruba sa pork barrel funds at ghost projects.

“Marcos Jr. should stop dictating how people express their outrage against the continuing large-scale corruption in government. His supposed concern about violence betrays his fear of being made accountable for his key role in approving the release of pork barrel funds and ghost projects,” anang BAYAN sa isang kalatas.

Giit ng BAYAN, dapat ituon ni Marcos Jr. ang kanyang pag-aalala sa Philippine National Police, lokal na pamahalaan ng Maynila, at mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na umano’y responsable sa marahas na dispersal ng mga nagprotesta sa Mendiola noong Setyembre 21, pati na sa umano’y torture ng mga ibinalanggong demonstrador.

Imbes na tugunan ang ugat ng problema, sinabi ng BAYAN na inililihis ng gobyerno ang usapan sa paraan ng pagpoprotesta, habang binabalewala ang tunay na isyu, ang patuloy na katiwalian, pagtatakip sa mga krimen, at kawalan ng pananagutan.

Tinukoy nila ang mga kaso ng panunupil sa dissent, kabilang ang pagpapadala ng police summons sa mga lider-estudyante at pagsasampa ng harassment cases sa mga lumahok sa protesta noong Setyembre 21.

Ang mga pulis at awtoridad anila ang dapat paalalahanan na magpakita ng maximum tolerance sa mga protesta,” giit ng grupo, habang binanggit ang mga roadblock, arbitraryong checkpoint, signal jamming, at iba pang paghihigpit bilang patunay ng tangkang pagbuwag sa mga kilos-protesta.

Tinuligsa rin ng BAYAN ang labis na presensya ng mga pulis sa mga rally, na anila’y nagpapakita ng “paranoia ng gobyerno” at layuning pigilan ang malayang pagpapahayag ng saloobin ng mamamayan.

Nanawagan ang BAYAN ng mas malalaki at mas matapang na pagkilos sa Nobyembre 30 at sa mga susunod pang araw, bilang bahagi ng patuloy na panawagan para sa pananagutan at laban sa tinatawag nilang “burukratikong kapitalismo” sa lipunan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *