Ibinasura ng San Juan Regional Trial Court ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban kay Brice Hernandez, dating assistant district engineer ng unang distrito ng Bulacan.
Layunin ng TRO na pigilan si Hernandez sa paggawa ng mga paratang laban kay Estrada kaugnay ng umano’y iregular na mga proyekto sa flood control.
Kinumpirma sa GMA News Online ni Atty. Ernest Levanza, abogado ni Hernandez, na walang nakitang “matinding pangangailangan” ang korte para maglabas ng TRO.
Bagama’t tinanggihan ang paunang hiling, tuloy pa rin ang kaso, at itinakda ang pagdinig para sa writ of preliminary injunction sa Nobyembre 12, 2025.
Ayon sa opisina ni Estrada, iginagalang ng senador ang desisyon ng korte at ipinaalala ang bisa ng sub judice rule na nagbabawal sa pampublikong talakayan habang may kasong dinidinig.
Nanindigan si Estrada na sa korte dapat idaan ang paglilinis ng pangalan, hindi sa media.
Dagdag pa ng kanyang kampo, patuloy siyang gagamit ng legal na hakbang upang papanagutin ang sinumang lumalabag sa kanyang karapatan, nagpapakalat ng maling impormasyon, o sumisira sa kanyang reputasyon.
Tiwala umano ang senador na mananaig ang katotohanan sa ilalim ng makatarungan at patas na proseso.
Matatandaang si Hernandez ang nag-ugnay kay Estrada sa umano’y anomalya sa flood control projects sa pagdinig ng House Infrastructure Committee, kung saan sinabi niyang tumanggap umano si Estrada ng 30% “SOP” mula sa mga proyekto.
Mariing pinabulaanan ito ng senador, at noong Oktubre ay nagsampa rin siya ng reklamong perjury laban kay Hernandez. (RRN)
