Fri. Feb 13th, 2026

Hinimok ng Makabayan bloc ang Kamara na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y overpricing sa mga farm-to-market road (FMR) projects, sa gitna ng lumalalang pangamba sa korapsyon sa pamahalaan.

Isinumite nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang House Resolution No. 421 na nananawagan sa kanilang mga kapwa mambabatas na “agad magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon, bilang tulong sa paggawa ng batas, sa sistematikong korapsyon at overpricing ng mga FMR projects.”

Hiniling ng mga mambabatas na ang mga komite sa Public Accounts at Agriculture and Food ang manguna sa imbestigasyon sa mga proyektong ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nauna nang sinabi ng DA at DPWH na magsasampa sila ng mga kasong kriminal laban sa mga kuwestiyonableng FMR projects, matapos ang audit sa halos 1,000 proyekto mula pa noong 2021.

Nauna rito’y isiniwalat ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate finance committee, mahigit ₱10.3 bilyon ang nawawala dahil sa umano’y overpricing sa FMR projects sa nakalipas na dalawang taon.

Binibigyang-diin ng resolusyon ng Makabayan bloc ang pangangailangang “masusing suriin ang National FMR Network Plan 2023–2028” at “imbestigahan ang lahat ng FMR projects para sa posibleng overpricing at korapsyon.”

“Sa harap ng malawakang at sistematikong korapsyon sa pamahalaan, mahalagang ilantad at panagutin ang lahat ng sangkot. Hindi katanggap-tanggap na bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang nawawala sa korapsyon sa halip na mapakinabangan ng mamamayang Pilipino,” ayon sa kanilang pahayag.

Ang kontrobersya sa FMR projects ay kasunod ng malaking iskandalo sa mga flood-control project na umano’y substandard o “ghost projects,” na nagdulot ng malawakang protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *