“Congrats Supt. Padilla, job well done. Pero grabe yung ginawa, dinuguan.”
Ito umano ang narinig ni Leopoldo Tan Jr. mula sa lalaking kaboses ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kausap sa telepono ni Davao Prison and Penal Farm (DPPF) Supt. Gerardo Padilla.
Batay sa testimonya ni Tan sa pagdinig ng House quad-committee (quad-comm) hearing, inilahad niya ang kaarumad-dumal na pagpatay nila ng kapwa PDL na si Fernando “Andy” Magdadaro sa druglords na sina Chu Kin Tung, alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Meng Pin, alias Wang Ming Ping noong Agosto 2016.
Sinabi umano sa kanila na may pabuyang isang milyon sa bawat ulo ng Chinese druglord at kalayaan nila.
Kuwento nina Tan at Magdadaro na pinagsasaksak nila ang tatlong Chinese druglords sa loob ng kanilang selda.
Ayon kay Tan, matapos ang insidente ay inilabas sila ng selda para maimbestigahan ng jail personnel at nakita niya si Padilla na sinagot ang tawag sa cell phone.
“Dalawang dangkal lang po ang layo ko,” aniya.
“Alam ko na ang kausap Supt. Padilla ay si Presidente Duterte dahil pamilyar po ang boses niya. Pagkatapos ng tawag, sabi ni Supt. Padilla sa mga kasamahan niya doon, ‘Tumawag si Presidente Duterte, nag-congrats sa akin.’
“Dahil sa sinabing ito ni Supt. Padilla, kaya lalo akong napaniwala na ang tumawag sa kanya ay si President Duterte,” sabi ni Tan.
‘Sayang din ‘tong isang manok kada ulo’
Nakabilanggo si Tan DPPF bilang drug convict nang bisitahin siya ng kanyang kaklase na si SPO4 Arthur “Art” Narsolis noong Hulyo 2016 at inalok siya ng “trabaho.”
“May ipapatrabaho ako sa iyo at may basbas sa taas. Baka matulungan ka rin namin na makalaya, kakausapin namin ang Presidente” sabi umano sa kanya ni Narsolis.
“Sayang din ‘tong isang manok kada ulo.”
“Sa pagkakaintindi at pagkakaalam, ang isang manok ay isang milyon,” ani Tan sa kanyang affidavit.
Ni-recruit umano niya si Magdadaro para sa “trabaho” dahil kaibigan niya ito at kilalang “killer.”
Napakong pangako
Napaulat ang patayan noong 13 Agosto 2016 bilang pagtatalo ng mga bilanggo, umamin sina Tan at Magdadaro sa krimen at nahatulang guilty sa kasong homicide.
Nakatanggap umano sila ng kabayaran na tig-isang milyon, o may kabuuang P2 milyon, sa halip na P3 milyon, para sa matagumpay na “trabaho.
Inihatid anila sa kani-kanilang esposa ang pera ngunit ang pangakong kalayaan ay hindi tinupad kaya nagalit sila.
“Palagi kong tinatawagan si SPO4 Narsolis patungkol sa aming paglaya at ang palagi niyang sinasabi, ‘Mag-antay antay lang kayo, makakalaya din kayo, sabihan namin ang Presidente.’ Naghintay kami sa pangakong iyon. Hanggang natapos ang administration, hindi kami tinulungan na lumabas,” ani Magdadaro.
Matapos marinig ang testimony ani Tan ay hiniling ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.na imbitahan si Duterte sa quad-comm hearing upang personal na marinig ang mga alegasyon laban sa kanya.
“In the interest of fairness, may I move to invite former President Duterte to hear his side on this matter?” ayon kay Gonzales.
Inaprobahan ito ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman of the special four-way panel.
Ipatatawag din sina Padilla at Narsolis para dumalo sa susunod na pagdinig. (ROSE NOVENARIO)