INILUNSAD ni Danilo “Ka Daning” Ramos, isang magsasaka mula sa Bulacan at beterarnong pinuno ng progresibong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kanyang intensyong kumandidato sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.
Iprinoklama ng mga magbubukid at peasant advocates ang kanyang kandidatura sa mismong lupang kanyang sinasaka.
“Tinatanggap ko ang hamon at tungkulin ng Makabayan, para isulong ang interes ng magsasaka at taumbayan sa Senado. Dala ang karanasan bilang magbubukid, higit kong itataguyod ang tunay na reporma sa lupa at pag-unlad ng kanayunan, gayundin ang tunay na pag-unlad ng kapwa mahirap at mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Isusulong ko ang mga patakaran at programa para sa abot-kayang presyo ng bigas, kasapatan sa pagkain at pagpapalakas ng lokal na produksyon,” sabi ni Ka Daning sa kanyang acceptance speech.
Panahon na aniya upang magkaroon ng tunay na kinatawan ang mga maralita at mga magbubukid sa Senado dahil ang mga magsasaka at mga sektor sa kanayunan ang bumubuo sa mayorya ng populasyon ng bansa.
Batay sa kanyang karanasa sa pagsasaka, iprinisinta ni Ka Daning ang mga aktuwal na panukala kung paano makakamit ang mababang presyo ng bigas at makalaya na sa importasyon ng bigas ang Pilipinas.
Kabilang sa mga kongkretong hakbang na nais niyang maisakatuparan:” 1) Direct production support for rice farmers; 2) Direct government-led palay procurement from farmers and 3) Selling/distribution of rice to low-income consumers at subsidized prices.”
Giit ni Ka Daning, ang pag-iingat at pagprotekta sa mga lupang pang-agrikultura na nakatuon sa produksyon ng bigas at pagkain ay pangunahin din sa pagtaas ng lokal na produksyon at pagkamit ng mas mababang presyo ng bigas.
Ang anunsyo ngayong araw ay kasunod ng mga proklamasyon nina ACT Teachers Party-list Representative France Castro, Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno, dating anti-poverty Czar Liza Masa, dating BAYAN Muna Rep. at Teddy Casino ng BAYAN bilang senatorial candidates ng Koalisyong Makabayan sa 2025 midterm elections. (ROSE NOVENARIO)