Fri. Feb 13th, 2026

Photo by Kath Cortez/davaotoday.com

 

Ibinunyag ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang malalaking iregularidad sa mga flood control project na ipinatupad sa kahabaan ng Davao at Matina Rivers mula 2019 hanggang 2022.

Batay sa pagsusuri ng grupo ni Rep. Tinio gamit ang datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga dokumento sa badyet, sa kabuuang 121 kontrata para sa flood control na nagkakahalaga ng P6.06 bilyon, 80 kontrata na may halagang P4.35 bilyon ang may seryosong red flags.

“Ang aming pagsusuri ay nagpapakita ng padron ng mga iregularidad na kailangang ipaliwanag at panagutan,” pahayag ni Tinio. “May mga indikasyon ng ghost projects, dobleng pondo, pagbabago ng lokasyon, labis na overpricing, at mga kontratang walang malinaw na detalye.”

Natuklasan sa imbestigasyon na sa 121 proyekto, 79 proyekto na nagkakahalaga ng P4.07 bilyon ay congressional insertions na hindi kasama sa orihinal na National Expenditure Program (NEP). Ang mga proyektong ito ay ipinatupad sa 1st Legislative District ng Davao City na kinakatawan ni Cong. Paolo Duterte.

Limang kategorya ng red flags ang natukoy:

  1. Total Overlap – Dalawang kontrata na nagkakahalaga ng P135.14 milyon ang pinondohan para sa parehong bahagi ng ilog, isa noong 2019 at isa noong 2020 na sumaklaw sa parehong lugar at dagdag pa.
  2. Double Funding – Dalawang kontrata na may halagang P115.09 milyon ang iginawad sa magkaibang kontratista para sa parehong lokasyon ng proyekto (“revetment along Davao River at the Davao River Bridge upstream section”).
  3. Pagbabago ng Lokasyon at Kulang na Gawain – Siyam na kontrata na nagkakahalaga ng P484.04 milyon ang ipinatupad sa ibang lokasyon kaysa sa nakasaad sa General Appropriations Act (GAA), kadalasan ay may nabawasang saklaw. Halimbawa, isang item sa GAA ang naglaan ng P30 milyon para sa 375 metro ng revetment, ngunit ang aktwal na kontrata ay sumaklaw lamang sa 120 metro—kulang ng 255 metro habang sinisingil ng P161,250 kada metro imbes na P80,000.
  4. Kontratang Walang Detalye – Nakagugulat na 62 kontrata na may halagang P3.44 bilyon ang iginawad nang walang tamang detalye (tulad ng eksaktong lokasyon at haba) sa opisyal na rekord, kaya’t mahirap beripikahin at panagutin.
  5. Kontratang Wala sa GAA – Sampung kontrata na may halagang P622.57 milyon ang ipinatupad kahit wala sa aprubadong pambansang badyet.

Ayon kay Tinio, sa Davao River pa lamang, 54 sa 68 proyekto na may halagang P2.65 bilyon ay may red flags. Sa Matina River, 26 sa 28 proyekto na may halagang P1.70 bilyon ay may iregularidad.

Kabilang sa mga kontratistang paulit-ulit na lumalabas sa mga proyektong may red flag ay ang RELY CONSTRUCTION & SUPPLY INC. (5 kontrata, P400.85 milyon); LEGACY CONSTRUCTION CORPORATION (7 kontrata, P350.99 milyon) na kabilang sa top 15 contractors sa Sumbong sa Pangulo website; at ABU CONSTRUCTION (8 kontrata, P321.30 milyon). Kasama rin ang ST. TIMOTHY CONSTRUCTION (P96.49 milyon) at ALPHA AND OMEGA CONSTRUCTION (P90.48 milyon), parehong kilalang Discaya firms; ALFREGO BUILDERS, kumpanya ng kapatid ni Sen. Bong Go na si Alfedo Go, sa joint venture sa RELY CONSTRUCTION (P96.49 milyon); at GENESIS88 (P29.4 milyon), na ang may-ari na si Glenn Escandor ay nag-donate sa kampanya ni VP Sara Duterte noong 2022.

Ayon kay Tinio, ang mga red flag ay sapat na batayan para sa masusing imbestigasyon sa lahat ng flood control at iba pang pampublikong imprastruktura sa Davao City. Inanunsyo rin niya ang paghahain ng resolusyon para sa congressional investigation sa mga anomalya at nanawagan sa Commission on Audit (COA), Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Office of the Ombudsman na magsagawa ng kani-kanilang imbestigasyon.

“Karapat-dapat malaman ng taumbayan kung paano ginastos—o sinayang—ang P4.66 bilyon mula sa kaban ng bayan,” ani Tinio.

“Ang usapin dito ay ang pagtitiyak na ang bawat pisong inilaan para protektahan ang ating mga komunidad laban sa pagbaha ay talagang nagsisilbi sa layuning iyon,” pagtatapos niya. “Ang transparency at accountability ay dapat pantay-pantay, sa Bulacan man, sa Davao, o saan mang bahagi ng bansa.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *