Ni Renato Reyes Jr. | Presidente, Bagong Alyansang Makabayan
Kapag sinabi nating “lahat ng sangkot, dapat managot”, kailangang mula sa pinakatuktok ay may managot. Hindi maaaring exempted ang Malacanang at ang Pangulo. Hindi maaaring hanggang kay Sara Duterte o sa nagdaang administrasyon lang nakatuon ang galit ng taumbayan.
Bakit nga ba tila iniiwas ng ilan si Marcos sa pananagutan gayong siya ang gumawa ng budget, siya ang nagpalobo ng unprogrammed funds na ginamit sa maanomalyang flood control projects? Siya din ang nag-approve ng releases ng unprogrammed funds. Siya ang nagpanatili ng sistema ng pork barrel o congressional allocations, at siya ang patuloy na nagbubukas ng pinto para sa korapsyon sa proposed budget para sa 2026.
Si Marcos rin ay tumanggap ng campaign donations mula sa private contractor na tila hindi iniimbestigahan ng Comelec. Yung isang contractor ng Cebu flood control, si Jonathan Quirante, campaign donor ni Marcos noong 2022. Lumaki ang mga nakuha niyang kontrata matapos ang eleksyon. Coincidence?
Maniniwala ba tayo sa linyang “ako ang nagsiwalat ng flood control scam kung kaya’t hindi ako sangkot sa anomalya”? Kahit ang mga testigo tulad ni dating Usec Robert Bernardo ay nagdawit na ng mga personahe na nakaugnay sa Malacanang.
Bakit tila may mulat na pagsisikap na iiwas si Marcos sa pananagutan? O kaya ay hindi man lang banggitin ang kanyang papel sa lahat nang ito? Sa bansa natin, hindi gagalaw ang daang bilyong piso na DBM lang ang magdedesisyon at walang atas ng Pangulo. At sa sinasbi ni Usec Bernardo at mga taga DWPH na sa bawat yugto ng budget process ay may SOP ang mga opisyal, maniniwala ba tayo na HINDI kasama sa SOP ang mga opisyal ng Palasyo na nagre-release ng pondo?
Sadya bang ayaw lang panagutin si Marcos? Sadya bang ayaw kilatisin ang pondo ng Office of the President? Sadya bang ayaw banggitin ang pangulo kapag binabanggit ang usapin ng unprogrammed appropriations?
Ang pagbatikos kay Marcos ay hindi kailanman nangangahulugan ng pag-endorso sa mga Duterte. Tulad ng ang pagbatikos sa US ay hindi nangangahulugan ng pagyakap sa China. Ang pagbatikos sa pekeng drug war ay hindi pagsuporta sa mga sindikato ng droga. Ang lahat nang ito ay mga false dilemma at pawang mapanganib na tunguhin na sumisira sa kritikal na pag-iisip.
Hindi Marcos o Duterte lang ang tanging pagpipilian ng taumbayan kaya bakit iisipin na ang pagbatikos kay Marcos ay “pagsuporta” agad sa mga Duterte? Pwede namang sabihin na pareho silang political dynasty at wala sa kanilang dalawa ang solusyon sa problema ng bansa.
Sa usapin ng sistematikong korapsyon, pareho silang may dapat panagutan. Sa usapin ng pamumuno, nakita natin na hindi nila nilulutas ang ugat ng krisis dahil tinataguyod pa rin nila ang bulok na sistema ng burukrata kapitalismo at pagyuko sa dayuhang dikta.
Eh paano nga kung sakyan ng mga DDS ang isyu ng korapsyon? Ano man ang political leaning mo, maaari kang magsalita tungkol sa korapsyon. Magkakaiba lang sa kanino ang turol ng batikos at ano ang solusyon sa problema. Hindi natin kinakatigan ang ideya na dapat maluklok ang pangalawang pangulo. Hindi ito solusyon. Tututulan ito ng taumbayan, magtiwala tayo.
Pero hindi maaaring ang pangamba natin sa “Duterte highjack” ang pipigil sa atin na batikusin ang nasa tuktok ng sistema ng korapsyon sa bansa. Ipinakita na ng mga nagpoprotestang kabataan na maaaring tumindig kontra kay Marcos at Duterte at manawagan ng pagbabago ng bulok na sistema. Sasabihan ba natin sila na “huwag munang ganyan” dahil sa pangamba na “makinabang” ang mga Duterte? Pupunahin ba natin sila sa kanilang matapang na paninindigan?
At kung sasabihing konsiderasyon ang mga political alignments sa 2028, anong klaseng pagpapanagot pala ang nais natin? Nakabatay sa political expediency? Ang anumang electoral considerations para sa 2028 ay hindi dapat makaapekto sa kung sino ang papanagutin sa korapsyon ngayon.
Una sa lahat, hindi naman sa eleksyon malulutas ang mga problema natin, lalo pa at kontrolado ito ng mga pinakamayayaman, at iniimpluwensyahan pa ng mga dayuhan. Hindi ito ang dapat magtakda ng panawagan para sa accountability ngayon. Liban na lang kung ang tingin ng iba ay ang tanging paraan para matalo ang mga Duterte sa 2028 ay makipagkasundo sa mga Marcos.
Kung ganyan ang tunguhin ngayon pa lang, anong pagbabago ang aasahan natin? Ang panawagang “lahat ng sangkot, dapat managot” ay panawagan natin para sa kasalukuyan, Hindi ito maghihintay ng 2028. Kung hindi pa handa ang iba nating kasama, tulungan nating maunawaan nila bakit hanggang tuktok ay dapat managot. Kung ayaw naman nating “makinabang” ang mga Duterte sa isyu ng korapsyon, hindi ba’t ang mas mainam na gawin ay palawakin at palakasin ang kilusan kontra korapsyon na kontra din sa mga Marcos at Duterte? Hindi ba’t ang mas dapat gawin ay pakilusin ang mas maraming bilang ng mamamayan para sa mas malalim na pagbabago? At kung sumapit man ang eleksyon, hindi ba’t mas pabor sa mga demokratikong pwersa ang paglakas ng kilusan na nagtatakwil sa mga bulok na pulitiko at nagtataguyod ng programa para sa taumbayan?
Mahirap gawin? Totoo – hindi madali dahil ang nilalabanan natin ay ang buong bulok na sistemang ilang dekada nang umiiral. Pero kung hindi natin sisimulang tibagin ang bundok na ito, kailan pa natin mababago ang kalakaran?
Ang kilusan kontra korapsyon ay hindi maaaring umasa kay Marcos Jr na produkto ng korap na legasiya ng Martial Law at diktadura. Hindi siya alyado sa labang ito. Kung hindi pa nga pupukpukin ang Malacanang linggo linggo, kung hindi sustenido ang galit ng taumbayan, hindi siya mapipilitang kumilos. Hindi rin maaaring umasa na lang sa Ombudsman o ICI na dinidiktahan din ng Pangulo. Lalong hindi maaring magkasya na lang tayo sa pagpapanagot ng nagdaang administrasyon habang lusot ang kasalukuyang administrasyon.
Sa mga darating na araw, kailangang higit na ilinaw ng malapad na kilusang kontra korapsyon kung hanggang saan dudulo ang galit ng taumbayan at ano ang dapat gawin upang makamit ang hustisya. At mula dito, buuin ang malapad at matibay na pagkakaisa para sumulong at magtagumpay. Makibaka, huwag matakot. Kita-kits sa Nobyembre 30.