Fri. Nov 22nd, 2024

BINATIKOS ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang mga isyung lumutang laban sa kanyang pamilya ay “political harassment.”

Giit ni Castro, ang kasalukuyang mga kaganapan ay paghahanap  ng sambayanang Pilipino ng pananagutan mula sa pamilya Duterte na naghasik ng lagim at karahasan sa anim na taong pamamahala sa bansa.

“What we see now is more of a search for accountability of the Filipino people against the Duterte family who spread terror and violence during their reign,” anang teacher solon.

Binigyan diin ni Castro ang maigting na panunupil ng administrasyong Duterte sa mga kritiko.

“Noong panahon ni dating Pang. Duterte sa posisyon lahat ng pumuna o nagsalita laban sa kanyang polisiya ay hinarass, sinampahan ng gawa-gawang kaso at kinulong, madami rin ang pinatay. Ngayon na naghahanap ng katarungan ang mamamayan laban sa mga pang-aabusong yun ay sasabihing ‘political harassment’ para lang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan,” dagdag niya.

Hinamon ng Deputy Minority Leader ang pamilya Duterte na harapin ang mga alegasyon.

“Harapin na lang nila ang mga isyu na pinupukol sa kanila at lumaban ng patas hindi tulad ng mga ginawa nila sa mga biktima ng kanilang rehimen. Kami na sinampahan ng gawa-gawang kaso ay hinarap ito pero ang mga Duterte ay ni hindi man lang humarap o nagpaliwanag ng maayos sa kahit anong kaso o isyu na inilatag sa kanila,” ani Castro.

Nanawagan ang teacher solon sa publiko na manatiling mapagbantay at ipagpatuloy na hilingin ang pananagutan sa mga opisyal ng pamahalaan, kahit ano pa man ang kinaanibang partido political o posisyon sa pamahalaan.

Makakamit lamang aniya ang tunay na katarungan at kaunlaran kapag ang mga nasa kapangyarihan ay may pananagutan sa kanilang mga aksyon.

“The Filipino people deserve nothing less than full transparency and accountability from their leaders. We must not allow baseless claims of ‘political harassment’ to derail our pursuit of truth and justice,” ayon kay Castro.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *