SINABOTAHE ng lokal na pamahalaan at kilabot sa Tokhang na pulisya ng Caloocan City, at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang paglulunsad sana sa lungsod ng kandidatura ni dating National Anti-Poverty Commission Chairperson at dating Gabriela partylist Rep. Liza Maza bilang pang-apat na senatorial bet ng Makabayan coalition.
Ayon kay Maza, pinigilan sila na idaos ang Pulong Maza sa dalawang lugar sa Brgy. 175 sa Caloocan City kahit may reserbasyon na ang kanilang grupo.
“Narito kami ngayon para isiwalat ang mariing kondemnasyon sa panghihimasok ng Caloocan Police sa padron ng NTF-ELCAC sa pamamagitanng pagpigil sa akin at sa aking mga tagasuporta sa Pulong Maza na ginaganap namin ngayon , nag-change venue tayo dahil nga hinarang ‘yung dalawang venues na nakareserba para sa pagtitipon na ito,” sabi ni Maza sa Pulong Maza sa Quezon City.
Si P/Col. Paul Jady Dadang Doles ang chief of police ng Caloocan City at nasa direktang pangangasiwa ni Mayor Along Malapitan.
“Yung unang venue ay sa Brgy. 175 sa covered covered court (Sitio Matarik), sinabi kahapon lang na hindi raw tayo puwedeng magtipon-tipon doon dahil si Mayor (Malapitan) daw ay magdi-distribute ng office supplies,” lahad ni Maza.
Kumuha muli ang kanilang grupo ng ibang lugar, inireserba at may received copy ang paabiso ngunit nang gagamitin na ang covered court sa Libis sa Brgy 175 din ay inurirat umano sila ng husto at nagbanta pang “lalapagan” ng mga pulis.
“Ang understanding namin mga pulis lalapag doon sa isang lehitimong event na pagtitipon natin para magkaroon ng espasyo. Marami kasi mga OFWs dito at kahit naka-online tayo , abot sa ibang bansa at nakikinig sila sa pagtitipon na ito para dinggin ang mga hinaing ng OFWs,” aniya.
Binigyan diin ni Maza na itinayo ang mga pasilidad na iyan mula sa buwis na nakolekta mula sa mga mamamayan pero ngayon ay hindi nila magamit.
“Ginagamit lang ng mga gusto nila, ng mga kakampi nila. Sa ganyan tayo magsisimula sa eleksyon, na tayo ay agad na dehado.”
“Kilala naman natin itong mga NTF-ELCAC, nakapasok doon sa LGUs. Sa ilaim ng whole-of-nation approach. Ginagamit nila ang mga kapulisan, lahat ng mga ahensya ng gobyerno, para patahimikin ang taong bayan. Para patahimikin ang masa na matagal nang nagdurusa sa gobyernong bulok, corrupt at elitista,” giit ni Maza.
“Ang aksyon ng pulis at NTF-ELCAC ay hindi na bago sa atin, lalo na sa Caloocan. Notorious yan sa Tokhang di ba? Ano ba ang nangyari kay Kian di ba?”
Inilahad ni Maza na inireport sa kanya ng kanilang mga organisador na sinundan sila ng motorsiklo na limang beses silang iniikutan at tinatakot.
“Itong ginawa ng mga pulis ay hindi lang pag-atake sa akin kundi sa buong koalisyong Makabayan. Ito bang mga tradisyonal na politiko ay makakaranas ng ganito, takutin tayo, pagsarhan ng barangay covered court , hindi.”
“Baka andun pa sila sa mga opisina ng mayor nagbebesu-beso sa malalaking hotel, libreng gagamitin nila ang pasilidad ng gobyerno. “
Kaya ang hamon ni Maza sa mga kapulisan ng Caloocan at sa iba pang parte ng bansa, sa NTF-ELCAC at kay Pangulong Ferdinand “Marcos Jr, “Hands-off Makabayan.”
Maliban kay Maza, kabilang rin sa bumubuo ng senatorial slate ng Makabayan ay sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Kilusang Mayo Uno Secretary-General Jerome Adonis. (ROSE NOVENARIO)