Sun. Nov 24th, 2024

đź“·Bukluran ng Manggagawang Pilipino President Luke Espiritu

 

PEKE ang malasakit ng administrasyong Marcos Jr. na ayusin ang pagsasanay ng mga atletang Pinoy bilang paghahanda sa mga susunod na timpalak sa ibang bansa.

Ayon kay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) President Luke Espiritu, tinapyasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng P431 milyon ang budget sa sports para sa 2025 sa taon na idaraos ang Southeast Asian (SEA) Games.

Binawasan ang pondo ng sports pero dinagdagan naman aniya ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Presidential Confidential and Intelligence Funds.

“Mas inuna ang pag-report at pag-clickbait sa relasyong pampamilya ni Carlos Yulo kesa isiwalat ang katotohanang binawasan ni Marcos nang P431 million ang badyet para sa sports sa 2025, kung kelan may SEA Games, at dinagdagan ang badyet ng NTF-ELCAC (P8 billion) at ng Presidential Confidential and Intelligence Funds (P4 billion),” sabi ng labor leader sa kanyang paskil sa Facebook.

Sa kabila nang pagtambol ng administrasyong Marcos Jr. sa Maharlika Investment Funds hanggang sa ngayon aniya ay wala pa rin pupuntahan ang panimulang puhunan nitong P75 bilyon.

Sinabi ni Espiritu na plano rin ng administrasyon na ipadeklarang “unprogrammed” o walang paggagamitan ang P90 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Isa pang ikinairita ng labor leader ay ang pahayag kamakailan ng mga opisyal ng gobyerno na sapat ang P64 para sa pagkain sa isang araw.

“At hanggang ngayon, wala pang paglalaanan ang P75 billion start-up capital ng Maharlika Investment Funds. Balak ding ipadeklarang “unprogrammed” o walang paggagamitan ang P90 billion na pondo ng PhilHealth. At ang sumbat pa sa atin ng Gobyernong Marcos–sapat na ang P64 para sa pagkain sa isang araw,” anang labor leader.

“Pinupurol ang utak natin sa tsismis at totally worthless stories pero hindi pinapatampok ang pag-mismanage ng gobyernong ito sa pera ng taongbayan. May paghupa na rin ang “buzz” sa ongoing POGO investigation at ang napipintong ICC arrest warrant kay Duterte,” dagdag niya.

“Ang mga magnanakaw gaya nina Marcos at Duterte ang nananalo sa ganitong backward na naratibo sa mainstream na diskurso.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *