Nanindigan si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi dapat kunin sa 2026 national budget ang P60-B na pinababalik ng Korte Suprema sa PhilHealth na kinuha ng Department of Finance noong 2024 para ipondo sa flood control projects.
Giit ni Carpio sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra kagabi, kapag nanggaling sa 2026 General Appropriations Act ang isasauli na P60-B, lalabas na galing rin sa pera ng bayan ang ibabalik na pondo ng PhilHealth na illegal na kinuha ng DOF.
“Kapag galing sa budget yan, tayo rin ang nagre-reimburse. Gusto ko ang primary source ay restitution, secondary source yung budget para magkaroon ng lesson. Ninakaw mo ang pera, ikaw ang magsasauli. Hindi yung taumbayan ang magsasauli. Sila nga ang biktima. The victims cannot be the ones to reimburse,” giit ni Carpio.
Dapat aniyang imbestigahan pa ng mas malalim kung kanino napuntang mga opisyal ng gobyerno at mga kontratista, na maaaring nagsabwatan, ang flood control projects na pinondohan ng pera ng PhilHealth.
Kung puwedeng sampahan ng kaso ang nasa likod nito, tugon ni Carpio,“If we can show bad faith from the very start na plinano nila ito puwede pero kapag wala they can rely on the law. ‘Yun ang problema, sumunod lang kami sa batas.”
“How do you pierce that, by showing na sila ang mga may brains nito , nilagay nila ang batas na yan, sila rin ang sasalo sa pera roon sa flood control mahirap yan. So we will have to dig further pero at least alam na natin kung sino ang nag-introduce ng Section 1D so that’s a good start already,” dagdag niya.
Tinukoy ni Carpio si dating Albay Rep. Joey Salceda bilang utak ng Special Provision 1(d) na nagpahintulot na kunin ng “excess reserve funds” ng government-owned and controlled corporations (GOCC) at ilagay sa National Treasury para tustusan ang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 GAA.
Ang naturang probisyon ang naging batayan ni noo’y Finance Secretary Ralph Recto para ilabas ang DOF circular, na nag-utos ng poaglipat ng P89.9 bilyon pondo ng PhilHealth sa National Treasury,
“Ang nag-insert si Cong. Joey Salceda dahil nag-introduce siya ng bill to insert the provision sa House. So yung idea galing sa kanya, he inserted that and submitted to the committee ni Zaldy Co, was the chair of the appropriations committee,” paliwanag ni Carpio. (ROSE NOVENARIO)