Fri. Feb 13th, 2026

📷: Bahay ni Kuya | FB

 

Nanawagan ang Gabriela Women’s Party na higpitan ang pagpapatupad ng respeto sa loob ng Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition 2.0 matapos ang insidente kung saan tinuligsa ng ilang babaeng housemates ang mga biro at pahayag na nang-o-objectify sa kababaihan.

Ayon sa grupo, ang palitan ng housemates ay sumasalamin sa mas malawak na suliraning pangkultura: ang normalisasyon ng “birong bastos” sa kabataan.

Pinuri ng Gabriela ang ilang housemates na ipinaliwanag kung bakit nakakasakit ang ganitong mga komento, at binigyang-diin na ang mga ganitong usapan ay mahalagang hakbang tungo sa pagtatag ng kultura ng paggalang.

“Hindi lahat ng biro ay nakakatawa — lalo na kung may nao-objectify,” pahayag ng grupo.

Dagdag pa nila, ang pangyayari ay nagsilbing learning moment hindi lamang para sa mga nasa loob ng bahay kundi para rin sa mga manonood sa kani-kanilang tahanan at paaralan.

Hinimok ng Gabriela ang mga producer ng PBB na magbigay ng gender-sensitivity seminars para sa lahat ng housemates upang mas mapalalim ang kanilang pag-unawa sa consent, hangganan, at pang-araw-araw na sexism na nararanasan ng kababaihan.

Bukod dito, nanawagan din ang grupo na lumikha ang programa ng mga gabay na talakayan upang matulungan ang kabataang manonood na maunawaan kung bakit nakakasama ang mga komento na nang-o-objectify sa kababaihan, kahit pa hindi sinasadya.

Bukas ang Gabriela Women’s Party na magbigay ng tulong kung nanaisin ng mga producer o ng PBB team na isama ang mas matibay na bahagi ng gender education sa palabas.

“Malaking bagay na makita ng publiko na bawal ang bastos sa bahay ni Kuya,” giit ng grupo.  (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *