Binuweltahan ni Bicol SARO Partylist Representative Terry Ridon ang aktres-komedyante na si Marietta “Pokwang” Subong kaugnay ng kanyang kamakailang video statement hinggil sa kanyang kapatid na si Carlo Subong, na nahaharap sa mga administratibo at kriminal na kaso dahil sa insidente ng road rage sa Antipolo City.
Sa kanyang video, binanggit ni Subong na may isang mambabatas na nag-post umano ng mga litrato ng kanyang pamilya online at nagbanta ng posibleng kasong cyberlibel at cyberbullying.
Ayon kay Ridon, na matagal nang nagsasalita sa mga isyu ng kaligtasan sa kalsada, malinaw na siya ang tinutukoy ni Subong.
“There is no one else Ms. Subong could be alluding to except me,” ani Ridon. “I therefore respond to her remarks directly and squarely.”
Binigyang-diin ni Ridon na si Carlo Subong ang dapat managot, hindi ang kanyang kapatid o pamilya.
“Hindi kayo ang biktima dito. Ang biktima dito ay si Crispin at ang kanyang anak. Ang biktima dito ay ang mga ordinaryong Pilipinong inaabuso ng mga katulad ni Carlo Subong,” pahayag ni Ridon.
Dagdag pa niya, si Carlo mismo ang “consciously chose to commit grave threats, inflict physical injuries, and engage in acts of child abuse” laban kay Crispin Villamor at sa anak nito.
Mariin ding itinanggi ni Ridon ang pahayag ni Subong na may mga litrato ng buong pamilya ang ipinaskil online.
“It is untrue that photographs of Ms. Subong’s entire family were posted. What were posted were photographs of Carlo Subong—the individual involved in the incident. The public has every right to know the identity of a person who commits crimes against ordinary Filipinos,” ani Ridon.
Binigyang-diin ng mambabatas na may kapangyarihan ang Kongreso na magsagawa ng oversight sa mga usapin ng transportasyon at pampublikong kaligtasan, saan man naganap ang insidente.
Tinuligsa rin niya ang bantang cyberlibel at cyberbullying ni Subong, na aniya ay walang batayan kung ang mga pahayag ay nakabatay sa mga pampublikong dokumento.
“There can be no cyberlibel or cyberbullying where statements are factual and based on publicly available information. The photographs of Mr. Subong are publicly accessible. The LTO Show Cause Order is a public document. Mr. Subong’s actions were committed in full public view,” paliwanag ni Ridon.
Kinompirma ng kongresista na mino-monitor ng kanyang team ang mga pagdinig sa Land Transportation Office (LTO) upang matiyak ang due process, habang isinusulong din ang permanenteng pagbawi ng lisensya ni Subong.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice upang masampahan ng kaukulang kasong kriminal si Subong para sa grave threats, physical injuries, at child abuse. (ROSE NOVENARIO)