Fri. Feb 13th, 2026

Natagpuan wala ng buhay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral sa Bued River, tinatayang may 30 metro ang lalim mula sa Kennon Road, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet, noong Huwebes ng gabi.

Si Cabral ay iniugnay ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa mga iregularidad sa flood control projects.

Ayon sa ulat ng pulisya, inireport sa kanila ng driver ni Cabral na si Ricardio Munos Hernandez na habang nagbibiyahe sila sa Kennon Road patungong Baguio ay pinahinto ni Cabral ang sasakyan para bumaba at sinabing balikan na lamang siya dahil gusto niyang mapag-isa sa Purok Maramal, Sitio Camp 5 sa Barangay Camp 4 dakong alas-tres ng hapon.

Nagtungo umano si Hernandez sa kalapit na Milo Gasoline Station at binalikan si Cabral dakong alas-singko ng hapon ngunit hindi na niya natagpuan sa lugar ang amo.

Pinagtanong ni Hernandez sa mga tao sa lugar kung may nakakita kay Cabral pero wala raw nakapansin kaya’t nagpunta siya sa Ion Hotel sa Baguio City kung saan sila naka-check-in pero wala roon ang kanyang amo.

Iniulat ni Hernandez sa pulisya sa Viewdeck Station 8 sa Baguio City Police Office ang insidente na agad na sinuyod ang lugar hanggang makita ang bangkay ni Cabral dakong alas-8 ng gabi.

Inutusan ng Office of the Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na i-secure ang cellphone at iba pang gadgets.

“The Ombudsman’s office directs the authorities in Benguet to take custody of and preserve the cellphone and other gadgets of former Usec. Cathy Cabral,” pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano.(ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *