Sat. Mar 14th, 2026

📷: Si Chantal Anicoche, isang Filipino community leader na nakabase sa Estados Unidos, ay nasa Abra de Ilog noong Enero 1, 2026 sa gitna ng pag-atake ng AFP at nananatiling nawawala. (Bayan USA | FB)

 

Mariing kinondena ni Eufemia Cullamat, Lumad leader at dating kinatawan ng Bayan Muna partylist, ang naganap na aerial bombing at malawakang operasyong militar noong Enero 1 sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Ayon kay Cullamat, hindi ito hiwalay na insidente kundi bahagi ng paulit-ulit na pattern ng counter-insurgency ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga katutubong komunidad na nagtatanggol sa kanilang lupa, mula Talaingod hanggang Mindoro.

Binanggit niya na ang pagkamatay ng mga batang Mangyan-Iraya, pagkasugat ng mga sibilyan, at sapilitang paglikas ng mga pamilya ay tuwirang resulta ng pambobomba at pag-istraping ng AFP, hindi ng anumang armadong engkwentro.

“Ang nangyaring pambobomba sa Cabacao ay hindi simpleng ‘engkwentro.’ Isa itong hayagang atake laban sa mga sibilyan at katutubong komunidad,” ani Cullamat sa isang kalatas.

Pag-uulit ng Talaingod 

Ayon kay Cullamat, ang nangyari sa Cabacao ay repleksiyon ng matagal nang dinanas ng mga Lumad sa Talaingod: militarisasyon, pananakot, sapilitang paglikas, at pagbansag sa buong komunidad bilang kaaway upang bigyang-katwiran ang karahasan.

“Nakita na namin ito sa Talaingod—militarisasyon, pananakot, sapilitang paglikas, at ang pagbansag sa buong komunidad bilang kaaway,” dagdag niya.

Tinukoy rin niya ang papel ng NTF-ELCAC sa pagbibigay ng ideolohikal na katwiran sa karahasan, sa pamamagitan ng red-tagging sa mga komunidad ng Mangyan bilang “terror-grooming”—katulad ng pagbansag sa mga Lumad schools bilang “NPA schools” upang bigyang-daan ang pagsalakay, pagsasara, at pag-aresto.

Binanggit ni Cullamat ang 68th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) na dati nang nasangkot sa okupasyon ng mga Lumad schools, pagbabanta sa mga guro, at sapilitang pagpapalikas sa Talaingod at Kapalong.

Ang parehong yunit, aniya, ay kasangkot din sa operasyon sa Mindoro.

“Ang parehong yunit na sumakop sa aming mga paaralan, nagbanta sa aming mga guro, at nagpalayas sa mga pamilyang Lumad sa Talaingod, ay bahagi rin ng teror na dinaranas ngayon ng mga Mangyan sa Mindoro,” sabi ni Cullamat.

Iginiit ni Cullamat na dapat tingnan ang pambobomba sa Cabacao kaugnay ng mga proyektong pang-ekonomiya sa Abra de Ilog: pagmimina ng Agusan Petroleum, planong 375-megawatt Abra de Ilog Wind Energy Project, at pribatisasyon ng Luyang Baga Cave para sa ekoturismo.

Aniya, ang mga proyektong ito ay laging sinusundan ng presensyang militar.

Tinukoy rin niya ang rekord ng Agusan Petroleum sa Mindanao, kung saan ang pagtutol sa pagmimina ay humantong sa mga pagpatay at panunupil.

‘De Facto Martial Law’

Nagpahayag si Cullamat ng matinding pagkabahala sa pagharang sa fact-finding missions at sa patuloy na pagkawala ng community researcher na si Chantal Anicoche.

Aniya, hindi ito bago, at inalala ang Talaingod Solidarity Mission noong 2018 kung saan ang mga guro, manggagawa ng simbahan, at human rights defenders ay kriminalisado matapos iligtas ang mga batang Lumad mula sa militarisadong komunidad.

“Kung walang itinatago ang estado, bakit hinahadlangan ang mga fact-finding mission at bakit may nawawala sa gitna ng operasyong militar?” tanong ni Cullamat.

Sinabi ni Cullamat na lumikha ang AFP at NTF-ELCAC ng de facto martial law sa Mindoro sa pamamagitan ng pambobomba, curfew, surveillance, red-tagging, at pananakot sa mga sibilyan.

“Ang kapayapaan na iniaalok ng AFP at NTF-ELCAC ay kapayapaang nakabatay sa takot at pananahimik, hindi sa hustisya,” aniya.

Nanawagan si Cullamat ng hustisya para sa mga biktima ng pambobomba sa Cabacao, agarang pagpapakita kay Chantal Anicoche, pagtigil sa aerial bombings at militarisasyon sa Mindoro, at pananagutan ng mga yunit ng AFP na sangkot sa pagpatay ng sibilyan.

“Hindi aksidente ang Cabacao. Tulad ng Talaingod, ito ay resulta ng sistematikong panunupil upang buksan ang lupa sa pandarambong,” pagtatapos ni Cullamat.

Kaugnay nito, nanindigan ang AFP na ang inilunsad nilang operasyon sa Barangay Cabacao ay “intelligence-driven” na ang target ay mga rebeldeng NPA sa lugar.

“Air support was used only to protect troops on the ground, in full compliance with the Rules of Engagement and with strict regard for civilian safety. No civilian communities were targeted,” anang AFP sa isang kalatas. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *