Nagpahayag ng pakikiramay si ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa pamilya, mga kasamahan, at estudyante ni Ms. Agnes Buenaflor, guro sa Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa, na pumanaw noong Enero 7, 2026 habang nasa gitna ng “classroom observation.”
“Lubos kaming nalulungkot sa malagim na pagkawala ni Ms. Agnes Buenaflor. Ang kanyang pagpanaw ay isang mabigat na dagok hindi lamang sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, kundi sa buong komunidad ng edukasyon,” ani Tinio.
“Nakikiramay kami sa pamilya at mga kasamahan ni Ms. Buenaflor. Ang kanyang dedikasyon sa pagtuturo ay dapat nating pahalagahan at alalahanin,” dagdag pa niya.
Pinuri ni Tinio ang ACT NCR Union sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan at pagbibigay ng tulong sa gitna ng mahirap na panahong ito.
Suportado rin niya ang panawagan para sa pansamantalang suspensyon ng classroom observations habang nagluluksa ang mga guro sa pagkawala ng kanilang kasamahan.
“Ang mga pangyayari sa likod ng pagpanaw ni Ms. Buenaflor ay nagpapakita ng matinding pressure at stress na dinaranas ng mga guro sa ilalim ng kasalukuyang evaluation system. Ang classroom observations ay nagiging sanhi ng pangamba imbes na magsilbing tunay na propesyonal na pag-unlad,” pahayag ni Tinio.
Batay sa DepEd Memo 89-2025, obligadong sumailalim ang mga guro sa periodic walkthrough at full-period classroom observations.
“Ang buhay, kalusugan, at kaligtasan ng ating mga guro ay dapat laging inuuna. Hindi dapat maging sanhi ng takot at labis na pressure ang mga sistema ng DepEd,” diin niya.
Nanawagan ang mambabatas ng pagsusuri sa kasalukuyang classroom observation system na kanyang tinukoy bilang mapaniil at hindi nakatutulong sa tunay na pag-unlad ng mga guro.
“Ang mga guro ay nasa ilalim ng matinding pressure dahil malaking bahagi ng kanilang performance rating kada taon ay nakabatay sa mga formal classroom observations, na nakaaapekto sa performance bonuses at promosyon. Gayunman, ang mga ito ay nagiging teaching demonstrations na inihahanda nang matagal, at hindi sumasalamin sa aktwal na pang-araw-araw na sitwasyon ng pagkatuto o nagbibigay ng kabuuang pananaw sa bisa ng guro.”
“Sa kasamaang-palad, kahit si Ms. Buenaflor ay isang batikang guro na malapit nang matapos ang kanyang serbisyo, nakaranas pa rin siya ng labis na stress mula sa classroom observation. Ito ay karanasang karaniwan sa mga guro, mula sa bagong pasok hanggang sa beterano,” dagdag pa niya.
“Dapat nating baguhin ang ating teacher evaluation systems upang tunay na suportahan ang propesyonal na pag-unlad at hindi magdulot ng labis na stress at pangamba. Walang guro ang dapat makaramdam na ang kanilang buhay at kalusugan ay nalalagay sa panganib. Sa halip na mekanikal na pagsunod sa mapaniil na praktis na ito, dapat maghanap ang DepEd ng mas epektibong paraan upang hikayatin ang propesyonal na pag-unlad,” ani Tinio.
“Nanawagan kami sa Department of Education na magpakita ng malasakit at agad na suriin ang mga polisiya na naglalagay ng labis na pasanin sa ating mga guro. Ang pagpanaw ni Ms. Buenaflor ay dapat magsilbing hudyat para sa sistematikong pagbabago,” pagtatapos niya. (ROSE NOVENARIO)