Sat. Mar 14th, 2026

Walang coercion o intimidation sa naganap na classroom observation kung saan nahimatay at kalauna’y binawian ng buhay si Teacher Agnes Buenaflor noong araw ng observation, batay sa imbestigasyon ng Department of Education (DepEd).

“Sa investigation namin wala namang coercion,” sabi ni Education Secretary Sonny Angara sa isang ambush interview sa  San Francisco High School sa Quezon City, sa ulat ng GMA News.

“Ano lang talaga may karamdaman si teacher Agnes noong day na yan,” dagdag pa niya.

Gayonman, tiniyak ni Angra na nire-review ng DepEd ang classroom observation policy kasunod ng pagkamatay ni Buenaflor, isang guro sa Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa City, noong Miyerkules sa gitna ng scheduled classroom observation.

Ang sinapit ni Buenaflor ay muling nagbukas ng usapin hinggil sa matagal nang reklamo ng mga guro sa sobrang pressure ng evaluation process.

Paliwanag ni Angara, hindi na ginagamit ang classroom observation bilang tanging batayan sa performance evaluation ng mga guro.

“Actually under review yun kasi yun yung reklamo ng mga teachers na minsan masyadong pressure yung environment,” ani Angara.

Dagdag niya, may mga pagbabago na sa polisiya, kabilang ang pagtanggal sa dating surprise classroom visits.

“Hindi na namin ginawang sole basis tapos surprise yung visits dati pero ngayon scheduled na,” paliwanag niya.

Ayon kay Angara, mas malawak na ngayon ang batayan sa teacher evaluation, hindi lamang limitado sa classroom observation.

“Yung review namin ng teachers (assessment) hindi lang limited sa classroom observation,” aniya.

Kasama na rin umano ang feedback mula sa school community, dahil hindi sapat na isang araw ng observation ang maglarawan ng kabuuang kakayahan ng isang guro.

Nagpahayag si Angara ng pakikiramay sa pamilya ni Buenaflor at sa Schools Division Office na sangkot sa insidente.  (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *