Sat. Mar 14th, 2026

Ipinakalat ni Batangas 1st District Leandro Leviste ang tinagurian niyang “Cabral Files” upang ilihis ang isyu palayo sa kanyang pananagutan sa pagbebenta ng prangkisa ng kanyang SP New Energy Corp. (SPNEC) ng walang basbas ng Kongreso, na iniimbestigahan na ng administrasyong Marcos Jr.

“Kasi marami siyang ibang problema. ‘Yung prangkisa niya iniimbestigahan na ngayon eh. Kasi dapat dyan ‘yung franchise hindi mo ninenegosyo. Batang-bata ka ninenegosyo mo ang franchise,” pagsiwalat ni Ombusdman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa kanyang programa sa DZRH hinggil kay Leviste.

“Wala ka bang kahihiyan? Anong klaseng tao ‘yan? Anong klaseng Pilipino ‘yan? National franchise, renewable energy, critical to the national life tapos ganun lang, ibebenta mo, ipi-flip mo lang? Nanay mo pa senador. Gusto nyo pang ibahin ang usapan. Iyon ang pag-usapan muna natin bago ang lahat,” dagdag niya.

Paliwanag ni Remulla, mas mabigat ang isyu ng prangkisang ipinagbili ni Leviste kaysa ipinangangalandakan ng kongresistang “Cabral Files” dahil pumanaw na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral na maaaring mag-authenticate ng mga dokumento.

“The document he got when Cabral was alive is not the same document when she is dead already because there’s nobody to authenticate it. Irrelevant na ‘yun,” ani Remulla.

“Mas mabigat ang isyu nya sa franchise nya. Remember walang consent ang Congress sa transfer ng franchise na ‘yan. Kritikal ‘yan. Dapat Congress muna. Dapat may approval muna ng Congress bago mo ituloy ang transfer,” giit ng Ombudsman.

Batay sa ulat na nakarating kay Remulla, umabot sa 84 ang mga kontratang pinasok ng SPNEC ni Leviste ang kanselado na may malaking epekto sa sitwasyon sa enerhiya sa bansa.

“With 84 cancelled contracts so far, sabi sa akin, nire-report sa akin. Could you imagine the effect to national energy situation. Sasabihin mo ito na ang forecast mo sa energy, naniwala sa iyo ang DOE ‘yun pala drawing lang. Hindi nangyari,” wika ni Remulla.

Ito aniya ang dahilan kaya hindi pinapatulan ni Remulla ang mga patutsada sa kanya ni Leviste tungkol sa “Cabral Files.”

“That’s why I refused to engage kasi nagbabago ang usapan. Ang mahalagang pag-usapan muna natin ‘yung franchise nya.”

Sakali aniyang may ibang ebidensyang hawak si Leviste na magpapatunay sa katotohanan ng “Cabral Files” ay dapat itong ilabas at patunayan ng kongrersista sa imbestigasyon sa Kongreso at dadalo ang Ombudsman.

Matatandaang pinagkalooban ng Kongreso ng 25-taong prangkisa ang SPNEC ni Leviste noong 2019  at makalipas ang limang taon ay ipinagbili niya ito sa MGen (Meralco) sa kabuuang halagang P18.26-B noong Oktubre 2025. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *