Binatikos ng mga progresibong mambabatas mula sa Makabayan bloc ang anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, na tinawag nilang “pakitang-tao” at hindi tunay na ginhawa para sa mamamayan.
Ayon kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Louise Co, nananatiling buo ang excise tax sa diesel at gasolina, habang patuloy na nagpapahirap ang malaking value-added tax (VAT) sa langis na nagtutulak pataas sa pamasahe, kuryente, at presyo ng mga bilihin.
Binanggit din ng mga mambabatas na ginamit ng administrasyon ang pahayag ng ilang LPG industry players na agad nilang ibababa ang presyo, upang magmukhang may agarang ginhawa. Samantala, pinapayagan pa rin ang malalaking kumpanya ng langis na ipagpaliban ang bawas-presyo sa loob ng 15 araw o higit pa, kaya’t nananatiling pasan ng publiko ang dagdag-gastos.
“Nililinlang ang publiko sa ‘agarang ginhawa’ habang pinapahintulutan ang mga kumpanya na ipagpaliban ang bawas-presyo,” giit ng Makabayan.
Iginiit ng bloc na ang tunay na solusyon ay ang pagharap sa mabigat at regresibong buwis sa petrolyo, pagtugon sa VAT sa langis, at pagpigil sa profiteering sa ilalim ng deregulated oil industry. “Kung hindi, mananatili lamang itong pagsupil sa galit ng taumbayan kaysa tunay na proteksyon sa kabuhayan,” dagdag nila.#