Fri. Aug 7th, 2026

Naghain ng reklamo ang election watchdog na Kontra Daya, kasama ang mga kaalyadong organisasyon ng mamamayan, sa Law Department ng Commission on Elections (COMELEC) laban sa dalawang kontraktor ng gobyerno na umano’y nagbigay ng ipinagbabawal na kontribusyon sa kampanya noong 2022.

Pinangalanan sa reklamo sina Rodolfo D. Hilot Jr., pangulo ng Rudhil Construction Enterprises, Inc., at Glenn Y. Escandor, pangulo ng ESDEVCO Realty Corp. at Genesis 88 Construction, Inc.

Ayon sa grupo, lumabag ang dalawa sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga kontraktor ng gobyerno na magbigay ng kontribusyon sa kampanya.

Batay sa opisyal na Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs), nakatanggap umano ng naturang donasyon sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na ayon sa Kontra Daya ay malinaw na paglabag sa batas.

“Malinaw ang batas—ipinagbabawal sa mga kontraktor ng gobyerno ang pagpopondo ng kampanya upang maiwasan ang conflict of interest at labis na impluwensya sa pamahalaan,” pahayag ng Kontra Daya.

Giit ng grupo, parehong may pananagutan ang pagbibigay at pagtanggap ng ipinagbabawal na kontribusyon. Hiniling nila sa COMELEC na magsagawa ng masusing imbestigasyon, tukuyin ang pananagutan, at ipatupad ang kaukulang aksyon laban sa mga sangkot.

Dagdag pa ng Kontra Daya, ang mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal ay mahalaga upang maiwasan ang “pay-to-play” na kalakaran sa pamahalaan at mapangalagaan ang integridad ng halalan at procurement process.# (ROSE NOVENARIO)

By admin