Kombinsido si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na sa konteksto ng impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte sa Committee on Justice, malinaw na may probable cause na.
Wala na aniyang kawala si Duterte sa illegal na pagwaldas ng confidential funds kahit igiit pa niyang “hindi pa pinal” ang mga disallowance, malinaw na hindi niya matatakasan ang mga Notice of Disallowance ng Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Tinio na sa pagdinig ng Kongreso noong Oktubre 2024, mismong mga Special Disbursing Officer ng OVP at DepEd, Gina Acosta at Edgar Fajarda, ang umamin na sa utos ni Duterte, ipinasa nila ang confidential funds kina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco.
Ito aniya ang naging pangunahing batayan ng COA sa pag-disallow ng ₱375 milyon CF para sa 2023, dahil tahasang ipinagbabawal ng COA-DBM guidelines ang paglipat ng pondo sa hindi awtorisadong opisyal..
Giit ng progresibong kongresista, hindi ito simpleng teknikalidad.
“Ang patakaran ay nakalatag upang matiyak na mapapatunayan ng mismong accountable officers ang wastong paggastos ng CF. Sa pag-isyu ng ND, malinaw na sinabi ng COA: hindi mapagkakatiwalaan ang liquidation na isinumite nina Duterte at Acosta,” ami Tinio.
“Kaya’t anumang argumento ang gawin ng Bise Presidente, malinaw ang paglabag. Checkmate na siya sa confidential funds.,” dagdag niya.
Naniniwala si Tinio na hindi dapat tumigil ang COA sa ₱375-M disallowance. “
Una, dapat balikan ang naunang partial disallowance ng ₱73-M CF noong 2022 at i-disallow ang buong ₱125-M, batay sa parehong paglipat ng pondo kay Lachica. Dagdag pa, dapat ding kagyat na maglabas ng ND para sa ₱112.5-M CF ng DepEd mula 2023 hanggang ikatlong kwarter ng 2024, dahil sa parehong paglipat ng pondo kay Nolasco.”
“Sa kabuuan, dapat ma-disallow ang ₱612.5 milyon—ang lahat ng confidential funds na dumaan sa kamay ni VP Sara Duterte.” # (RRN)
