Nagkaisang kinompirma ng Pre‑Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang lahat ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at itinakda siyang litisin sa Trial Chamber sa three counts ng crimes against humanity.
Ayon sa desisyon, may matibay na batayan upang paniwalaan na si Duterte ay responsable sa mga krimen ng pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng Artikulo 7(1)(a) ng Rome Statute.
Isinagawa ang mga krimeng ito bilang bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa sibilyang populasyon sa Pilipinas mula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, sa konteksto ng kampanyang “giyera kontra droga.”
Ibinatay ng Chamber ang pasya sa ebidensya at argumento ng Prosekusyon at Depensa sa pagdinig ng kompirmasyon ng mga kaso noong 23 hanggang 27 Pebrero 2026, gayundin sa mga pahayag at dokumento ng mga partido at kalahok, kabilang ang mga biktima.
Pinili ni Duterte na huwag dumalo sa pagdinig matapos aprubahan ng Chamber ang kanyang kahilingan na i-waive ang karapatang makadalo.
Ililipat na ang kaso sa Trial Chamber, na siyang magtatakda ng mga susunod na proseso.
Iginiit ng ICC na ang paglilitis ay magiging patas at walang kinikilingan, bibigyan ng sapat na panahon ang Depensa upang ihanda ang kanilang kaso, habang iginagalang ang karapatan ng mga biktima. Isang pampublikong redacted na bersyon ng desisyon ang inilabas. # (RRN)