Kinompirma ng Communist Party of the Philippines (CPP) na siyam na hindi armadong sibilyan at sampung kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa tinaguriang “Toboso massacre” sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.
Sa isang kalatas, sinabi ni CPP Chief Information Officer Marco L. Valbuena na “ipinagbubunyi ng partido ang sampung Pulang mandirigma ng NPA na nakipaglaban hanggang sa huling hininga laban sa mga pasista.”
Tinukoy sila ni Valbuena bilang sina:
- Roger Fabillar (Ka Tapang), kumander ng Northern Negros Front
- Sonny Boy Caramihan, 28, Barangay Bagonbon, San Carlos City
- Rene Villarin Sr, 57, Barangay Marcelo, Calatrava, squad leader
- Pedro Bonghanoy, medical officer, Barangay Libertad, Escalante City
- Arnel Javoc, 32, Barangay Lalong, Calatrava
- Joros Caramihan y Ramos, 18, Don Salvador Benedicto
- Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), Political Instructor
- Genevieve Balora (Ka Raia), Bacolod City, district Party cadre
- Labskie Purisimia Enustacion, 33, Sitio Tinibawan, Barangay Bug-ang, Toboso
- Jocel Gimang, 18, Sitio Bautista, Barangay Malasibog, Escalante City
Nagpahayag din ng pakikiramay ang CPP sa mga mahal sa buhay at kasamahan ng mga nasawing NPA fighters.
“Minahal sila nang malalim ng masa. Sa kabila ng clampdown ng militar, nagmartsa ang mga tao ng Toboso at Calatrava sa mahahabang convoy upang ihatid ang kanilang mga Pulang mandirigma sa huling hantungan bilang pagpapakita ng mataas na paggalang at pasasalamat,” ani Valbuena.
Inamin ng CPP na nakaranas ng taktikal na pagkatao ang NPA noong Abril 19 ngunit “nananatili itong matatag at determinado sa landas ng rebolusyon tungo sa estratehikong tagumpay.”
Nakikiramay rin ang CPP sa pamilya at kaibigan ng mga sibilyang nasawi: Roel Sabillo, RJ Nichole Ledesma, Alyssa Alano, Maureen Keil Santuyo, Errol Wendel Chen, Jemina Gumadlas, Lyle Prijoles, Kai Sorem, at Dexter Patajo.
“Batay sa aming paunang impormasyon, sila ay pinaslang kahit walang armas o hindi kombatant. Dalawa sa kanila ay kabataan,” ani Valbuena.
Resibo?
Naniniwala ang CPP na ang mga opisyal at tropa ng AFP ay dapat managot sa kanilang mga umano’y krimen laban sa International Humanitarian Law lalo na’t lumabas umano sa social media ang video mula sa drone ng AFP na nagpapakita kay Ka Tapang na buhay at wala sa posisyong makipaglaban, indikasyon na siya ay pinatay nang walang paglilitis.
Giit ng CPP, ang AFP ay “desperadong tinatakpan ang kanilang krimen, binabago ang bilang ng armas na umano’y nakumpiska mula sa inisyal na pito, naging 20 at kalauna’y 24, upang palabasin na lahat ng nasawi ay kombatant.”
Pinilit umano ng mga militar na lumikas ang mga residente at nagpatupad ng information blackout.
Duda sa CHR probe
Binigyan diin ng CPP na bagama’ inanunsyo ng CHR na nagsasagawa ito ng pagsisiyasat kasunod ng mga panawagan ang iba’t ibang sektor para sa independiyenteng imbestigasyon ay mariin nilang tinutuligsa ang dating kabiguan umano ng komisyon na maglabas ng resulta sa Fausto family massacre noong 2023.
Like father, like son
Ayon sa CPP, sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.,”lalong tumitindi ang panunupil at pagsasamantala.”
“Tulad ng kanyang diktador na ama, gumagamit siya ng terorismo ng estado upang supilin ang mamamayan. Ngunit hindi kailanman nagtagumpay ang terorismo ng estado sa pagdurog ng kalooban ng bayan,” pagtatapos ni Valbuena. # (RRN)