Tila gustong makipagkabugan sa mga misis ng mga senador ang isang social climber daw na opisyal ng Senado.
“Oy, Hermes ‘yan. Mas mahal pa ‘yan sa buhay mo,” sabi raw ni Trying Hard Socialite (THS) sa staff na nagmagandang loob na bitbitin ang kanyang bag habang naglalakad sila.
Hindi lang bag ang ipinangangalandakan ni THS, kundi maging belt na suot niya ay Hermes din daw ang tatak, habang ang kanyang sapatos naman ay Valentino.
“Todo ang pag -project niyang ‘socialite’ siya kahit ang sahod ay Salary Grade 29 o 30 na kung kukuwentahin ay kailangang apat na buwan na suweldo ay hindi niya bawasan para makabili ng isang Hermes bag,” sabi ng Las Chismosas – Senate chapter prexy.
Pero hindi raw natatakpan ng mararangyang gamit ang magaspang na ugali ni THS dahil masahol pa sa malupit na landlord sa probinsya ang turing sa mga kawani na animo’y mga alipin niya.
Pamato raw ni THS ang kanyang kontrobersyal na karelasyon dahil kinatatakutan ito ng mga halal na opisyal.
“May nakaraan yata siya na gustong pagtakpan kaya ini-intimidate niya ang mga tao para hindi ito makalkal,” sabat ng miron sa umpukan.
Galit daw si THS at gustong ipabura sa bokabularyo ang mga salitang “second wife” at “koreo.”
Huwag na raw magtaka sa masamang ugali ni THS dahil mismong ina na tumulong sa kanya para makapagtrabaho sa Senado ay pinabayaan niya nang tumanda na at nagkasakit at ibang tao pa ang tumulong.
CLUE:
Hindi lang sa lifestyle check dapat isalang si THS at kanyang karelasyon,
Dapat din ungkatin ang kanilang SALN gaya nang ginawang pagbusisi kay VP Sara Duterte at Atty. Mans Carpio.
“Bakit, impeachable official ba ang “fafa” ni THS?” tanong ng isa pang miron.
‘Yun na!