📷: Ang Type 88 Surface-to-Ship Missile System ng Japan Ground Self-Defense Force ay nagpalipad ng missile patungo sa itinakdang target sa dagat sa panahon ng Maritime Strike (MARSTRIKE) bilang bahagi ng Exercise Balikatan 41-2026 noong Mayo 6 sa Culili Point, Paoay, Ilocos Norte. (AFP / FB)
ni Renato Reyes Jr.
Pangulo, Bagong Alyansang Makabayan
Ang Pilipinas ay ginagawang lunsaran ng target practice ng mga imperyalistang bansa tulad ng US at Japan. Ginagamit dito ang ating teritoryo at maging ang mga civilian facilities para sa storage at launch ng mga missiles. Sa pagpasok ng Pilipinas sa iba pang Visiting Forces Agreement sa iba bansa, pinapalagay na madadagdagan pa ang ganitong mga tipo ng paghahanda para sa gera.
Bakit tayo tutol sa mga paggamit ng mga missiles na ito sa ating teritoryo?
- Ang paggamit ng mga offensive weapons na ito (ang Type 88 ay defensive pero may offensive capability) ay naglalagay sa panganib sa Pilipinas dahil kinakaladkad tayo sa paghahanda sa imperyalistang gera. Labag ito sa ating soberanya at pambansang interes.
- Ang mga pagsabog ng mga missiles ay may kaakibat na epekto sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan, lalo na kapag ipinapatigil ang paghahanap-buhay ng mga mangingisda o magsasaka upang bigyang daan ang mga pagsabog ng mga missiles na ito.
- Ang mga Tomahawk missiles ay ginagamit ng US sa pagpatay ng mga sibilyan at pagkawasak ng civilian structures sa ibang bansa. Nagiging complicit ang Pilipinas sa paggamit ng mga missile systems na ito para sa pagwasak at pagpatay sa ibang bansa kapag pinapayagan nating mag target practice sa ating bansa ang US.
- Mahigpit ang mga batas kaugnay ng missile testing sa ibang bansa pero napakaluwag na naisasagawa ito sa Pilipinas. Sa US, hindi maaaring gamitin ang civilian airports para sa launch ng mga missiles. Hindi rin maaaring magpasabog sa mga lugar na malapit sa civilian population. Sa Japan, nilalabag ng mga missile tests ang kanilang Peace Constitution at naging kontroberysal ang paggamit ng Type 88 missile system noong June 25, 2025 sa Hokkaido, teritoryo ng Japan.
Isang ilusyon na ang mga missile tests na ito ay para sa depensa ng Pilipinas gayong ang pangunahing may-ari, gumagamit at may exclusive control ay mga dayuhan. Ginagamit nila ang missile test sa ating teritoryo bilang bahagi ng kanilang power projection sa rehiyon at paghahanda para sa gera, hindi bilang pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas. Hindi rin totoo na “ligtas” ang mga tests kung ito ay ginagawa sa mga civilian facilities, o malapit sa mga civilian population. Ang problema pa, kapag may aberya sa mga war exercises, walang criminal liabilities ang mga dayuhang tropa sa ilalim ng VFA.
Huwag tayong pumayag na maging playground at firing range ng mga dayuhang tropa para sa kanilang paghahanda sa gera at pag-project na kanilang kapangyarihang militar. Huwag tayong pumayag na makaladkad sa kanilang gera at maging target ng kanilang mga kalaban. Igiit natin ang pambansang soberanya, pambansang interes at nagsasariling patakarang panlabas.#