ni Renato Reyes Jr, Pangulo, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)
Nagkagulo sa Senado noong Lunes June 1 nang arestuhin na si Sen. Jinggoy Estrada para sa non-bailable na kasong plunder at ang hindi pagkatuloy ng sesyon ng Senado nang wala man lang abiso mula sa Mayorya.
Sa ngayon ay lalong umiigiting ang bangayan ng mga paksyon sa pulitika, at masasabing sunog na sunog ang kredibilidad ng Senado sa kasalukuyan.
Sa nagdaang mga linggo, nakita natin ang Senado, sa liderato ni Cayentano na:
– nagbigay ng protective custody kay Sen. Bato dela Rosa na may warrant para sa crimes against humanity sa ICC
– hinayaang makatakas si dela Rosa sa kabila ng valid arrest warrant ng ICC
– nagtangkang palitan ang Senate rules para makaboto ang mga pugante at detenidong senador
– suportang pulitikal para sa mga senador na akusado ng korapsyon at pandarambong
– hindi pagdalo ng regular na session posibleng para mapigilan ang anumang pagpapalit ng liderato
Labis na nadismaya ang taumbayan nang makitang hindi makasimula ang sesyon ng Senado dahil wala ang Mayorya at Senate President. Marami ang galit na ang mga pinapasweldo ng taumbayan para matrabaho, pwedeng hindi pumasok at gumampan ng trabaho para lamang protektahan ang kanilang makikitid na interes. Tampok din yung pagkakaiba ng hustisya para sa mayayaman at makapangyarihan kumpara sa hustisya para sa mahihirap. Iba ang pribilehiyo ng mga nasa poder.
Ang hanayan sa Senado ngayon ay 11-11. Walang may klarong mayorya. Walang mosyon o batas ang maipapasa. Lame duck sa isang banda. Malakas ang usap-usapan na nakahandang mag-boykot ng sesyon ang mga Senador ng Mayorya para lamang hindi matuloy ang posibleng pagpapalit ng liderato. Matitiyak nito na si Cayetano pa rin ang presiding officer sa panahon ng Duterte impeachment trial na magsisimula sa July 6. Ang pagbabalik ng regular na sesyon para sa palitan ng liderato ay sa July 27 pa, kaalinsabay ng SONA.
Ang mga kaganapan sa Senado ay nagpapakita ng pagkabulok ng pulitika sa ilalim ng naghaharing sistema at burukrata-kapitalismo. Lubhang mabaho ang Senado ngayon, lalo na sa ilalim ng liderato ni Cayetano na kahanay ng mga pro-Duterte. Kahalintulad ito ng Senado noong 2001 impeachment trial nang hindi buksan ang “second envelope” at may naganap pang pagsasayaw at pang-aasar mula sa mga Senador matapos mag walkout ng House prosecution. Labis itong nagpagalit sa taumbayan na tumungo sa EDSA para mag-alsa.
Saan ito tutungo? Magbabangayan ang mga Senador sa panahon ng impeachment trial at hindi pa malinaw kung ano ang magiging epekto nito sa mga mahahalagang botohan kaugnay ng impeachment tulad ng paglalahad ng ebidensya. Dahil sa kahiya-hiyang kalagayan ng Senado, hindi nakakagulat na lumakas ang mga tangka na palitan ang liderato nito. Asahan din na ilalabas ng Mayorya ang sinasabi nilang panggigipit ng Malacanang sa mga senador para lumipat ng kampo at patalsikin si Cayetano. Kung hindi mapalitan ang liderato ni Cayetano, magtutuloy ang Blue Ribbon hearings sa flood control scam, at posibleng iturol ng Senado ang banat nito sa Kamara at sa Malacanang. Lalong iigting ang bangayan at krisis sa pulitika. Lalong magagalit ang taumbayan.
Kailangang maging mapagbantay ang taumbayan at walang kapagurang ilantad ang mga maniobra, kontra-maniobra at kabulukan ng buong naghaharing sistema. Hangga’t ganito ang umiiral na kalakaran, hangga’t silang mga burukrata kapitalista at mga kinatawan ng mga naghaharing uri ang nandiyan, walang katapusan itong mga kaguluhan sa pulitika. Saksi ang taumbayan ngayon kung gaano walang pag-asa ang ganitong sistema. Araw-araw pinapaalala sa atin na walang aasahan sa mga pulitikong kinatawan ng mga mayayaman at makapangyarihan.
Kondenahin ang Senado sa mga maniobra nito. Ituloy ang impeachment trial at panagutin si Duterte. Panagutin ang lahat ng kurakot, hanggang sa pinakatuktok, Duterte man o Marcos. Baguhin ang bulok na sistema.#