Thu. Jun 18th, 2026

Sa darating na ika-18 hanggang ika-19 ng Hunyo, mangyayari na ang kauna-unahang KUMPERENSIYANG TATSULOK – ang ugnayan ng mga taga-akademya, kilusang panlipunan at bayan sa paghubog ng kritikal at makabuluhan edukasyon na kailangan ng ating lipunan. Pagpapahusay, pagpapalakas at pagkokontekstuwalisa sa kasalukuyang panahon ng isinabatas na kursong Rizal upang makatulong nang lubos sa paghubog ng mga kabataang kikilos para sa bayan. IBG-KAL Theater, UP Diliman.

Malugod na inaanyayahan ang publiko na makinig sa susing pananalita ni Prop. Ramon G. Guillermo (“Si Jose Rizal Bilang Tulay sa Pagitan ng Amerika Latina at Asya: Pilipinas, Venezuela, at Palestina”) at Prop. Ma. Crisanta Nelmida-Flores (“Rizal at mga Kilusang Bayan mula siglo-19 Hanggang sa Kasalukuyan”) bilang bahagi ng Tatsulok: Pambansang Kumperensiya sa Philippine Studies 2026 na gaganapin sa 18-19 Hunyo 2026, IBG-KAL Theater, UP Diliman.

Si Ramon “Bomen” Guillermo ay kasalukuyang Direktor ng UP Sentro ng Araling Internasyonal. Nagsasagawa siya ng mga pananaliksik sa mga larangang Araling Rizal, Araling Salin, Kasaysayang Intelektwal, at Digital na Humanidades. Itinataguyod niya ang konsepto ng Araling Pilipino bilang isang “awtonomong komunidad pangkomunikasyon.” Unyonista at aktibista, isa siya sa mga pangunahing tagapagtatag ng Network in Defense of Historical Truth and Academic Freedom. Pinarangalan din siya bilang Social Scientist II ng Unibersidad ng Pilipinas.

Si Prop. Ma. Crisanta “Marot” Nelmida-Flores ay kasalukuyang Professor 12 sa UP DFPP, KAL. Siya ang naging Conference Director ng 1st International & Sesquicentennial (150th Birth Anniversary) Conference on Rizal noong 2011 na inorganisa ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa ilalim ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, sa pakikipagtulungan ng Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya at ng Asian Center o ng TriCollege PhD Philippine Studies Program. Simula 1988, nagtuturo na siya ng kursong Rizal/PI 100 sa DFPP, mga kurso sa panitikan, at Philippine Studies sa batsilyer at graduwadong antas at kasalukuyang pinarangalang Social Scientist II ng Unibersidad ng Pilipinas.

Inaanyayahan ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ang publiko na makilahok sa Tatsulok: Pambansang Kumperensiya sa Philippine Studies 2026 sa Ignacio B. Gimenez (IBG)-KAL Theatre, UP Diliman, ngayong Hunyo 18–19, 2026.

Ang tema ng kumperensiya ay “Rizal at Pagkamakabayan” bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng Batas Rizal. Susuriin natin ang naging pag-unlad at pagbabago sa lipunang Pilipino mula noon kina Rizal hanggang ngayon. Ang ugnayan ng akademya, mga kilusang panlipunan at bayan, ang tatsulok na tinatanaw nating magluluwal ng makabuluhang edukasyong huhubog sa makabayan at kritikal na mamamayan na kailangan ng lipunan.

Bahagi ang Kumperensiyang Tatsulok ng mga gawain ng UP DFPP sa ika-60 anibersaryo gayundin ang pagpapahusay ng pagtuturo sa kursong Rizal, at pagpapalakas ng pangkalahatang edukasyon sa Pilipinas. # (RANDY NOBLEZA)

 

 

By admin