: NUPL / Facebook
May opisyal na record ang Korte Suprema na sumasalungat sa pagtanggi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr, na nailipat si ret. Maj. Gen. Jovito Palparan at nananatili pa rin ito sa New Bilibid Prison (NBP), ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).
Sa isang panayam, iginiit ni Catapang na nasa NBP pa rin si Palparan, kalakip ang video at mga larawan ng bilanggo na nakasuot ng uniporme ng piitan at sumasailalim sa medikal na pagsusuri. Ngunit binigyang-diin ng NUPL na walang malinaw na oras o lugar na nakasaad sa mga materyales.
Mas mabigat, dalawang beses na ibinalik nang hindi naihatid ang mga abiso ng Korte Suprema para kay Palparan ngayong taon, na may anotasyon mula sa tauhan ng NBP na siya ay “moved out: transferred to BuCor–Baguio” at kalaunan “moved out to PMA Baguio.” Kumpirmado rin ito ng tala sa PHLPost na nagsasabing ang addressee ay “moved-out.”
“These annotations are clear admissions by NBP personnel that Palparan was no longer confined at the facility,” ayon sa NUPL.
Binigyang-diin ni NUPL President Ephraim B. Cortez: : “While General Catapang was quick to deny the allegations raised in the Manifestation filed before the Supreme Court, he has yet to present any evidence to support his claim. If Palparan is indeed still detained at the NBP, BuCor could have readily provided documentary proof.”
Matagal nang ipinaglalaban ng mga pamilya nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, kasama ng mga grupong pangkarapatang pantao, ang isyu ng umano’y espesyal na trato kay Palparan sa bilangguan.
Giit ng NUPL, ang kanilang mga pangamba ay “hindi haka-haka o walang basehan” kundi nakabatay sa mga opisyal na rekord.
“Ang publiko, lalo na ang mga pamilya ng mga biktima na ilang taon nang naghahangad ng hustisya, ay nararapat lamang sa ganap na transparency,” dagdag ni Cortez. # (ROSE NOVENARIO)