Pinatawan ng Sandiganbayan Second Division ng 90‑araw na preventive suspension si Sen. Jinggoy Estrada simula ngayong Hunyo 16, kaugnay ng kasong graft sa umano’y flood control kickback scheme.
Ayon kay Presiding Justice Geraldine Econg, naipadala na sa Senado ang kautusan.
Sa kanyang komentaryo noong Hunyo 15, iginiit ni Estrada na hindi siya dapat suspendihin dahil hindi pa siya nabibigyan ng buong pagkakataon na kuwestiyunin ang preliminary investigation ng DOJ at Ombudsman.
Aniya, ang preventive suspension “ay epektibong parusa nang walang due process.”
Tinuligsa ito ng prosekusyon, na nagsabing may bisa ang criminal information laban kay Estrada, kaya’t awtomatikong umiiral ang suspensyon sa ilalim ng Anti‑Graft and Corrupt Practices Act.
Giit ng korte, tungkulin nitong ipataw ang suspensyon upang maiwasan ang panggigipit sa mga saksi, pagmanipula ng ebidensya, o maling paggamit ng kapangyarihan.
Nauna nang ipinasok ng korte ang not guilty plea para kay Estrada matapos siyang tumangging maghain ng sariling plea.
Nakatakda siyang humarap sa arraignment kasama ang mga dating opisyal ng DPWH NCR sa Hunyo 30 sa Fifth Division para sa mga kasong graft at plunder. # (ROSE NOVENARIO)
