Wed. Jun 17th, 2026

Maaaring may kinalaman sa 2028 elections kaya idinawit ng “Maleta Boys” si Comelec Chairman George Garcia na kabilang sa mga umano’y tumanggap ng milyun-milyong piso mula kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ayon sa poll body chief.

Sinabi ni Garcia na maaring taktika ito ng mga personalidad na nasa likod ng “Maleta Boys” upang puwersahin siyang magbitiw na hindi naman niya gagawin dahil hanggang 2029 pa ang kanyang termino.

Wala aniyang koneksyon ang kanyang posisyon sa flood control projects kaya mariin niyang itinanggi ang akusasyon laban sa kanya.

Posible aniyang sinamantala ng handlers ng ‘Maleta Boys” ang gipit nilang sitwasyon kaya tinuruan magsinungaling kapalit ng malaking halaga.

“Napakadali kasing magsinungaling  lalo na’t ang parusa ay di ganoon kabigat, lumang batas kasi tayo tungkol sa perjury,” ani Garcia sa programang Sa Totoo Lang sa One News.

“Lumang batas tapos kung ang katapat naman noon ay malaking amount, lalo na yung kumakalat na napakalaking halaga ang involved versus doon sa makukulong ka lang,” dagdag niya.

“Eh kung sadyang wala ka naming trabaho sa kasalukuyan, tatanggapin mo na lang ang ino-offer sa iyo kesehodang magsinungaling ka total naman konti lang ang pagkakakulong,” paliwanag niya.

Isiniwalat niya na isang retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang handler ng nag-akusa sa kanyang Maleta Boy at may ibang personalidad na nasa likod din nila na baka may kasong hinahawakan ng COMELEC.

“Yung handler po kasi ay isang retired official din ng AFP, pero siyempre, maliban po sa kanya, meron naman pong nasa likod din yan na hindi ko alam ang motibo,” ani Garcia.

“Baka may mga kaso po nandito sa amin na hinahawakan ng COMELEC.”

Kinokompleto pa ni Garcia ang mga dokumento bago sila sampahan ng kaso.# (ROSE NOVENARIO)

By admin