Dumalo noong Biyernes ang dating head coach ng Ateneo men’s basketball team na si Tab Baldwin sa imbestigasyon ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay sa pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Nasawi ang dalawa sa pagkalunod sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Matapos ang insidente, nagbitiw sa puwesto sina Baldwin at dating team manager Epok Quimpo. Humingi ng paumanhin ang coach sa pamilya ng mga biktima, ngunit iginiit ng ina ni Baterbonia na hindi sapat ang paghingi ng sorry.
Noong Huwebes, humarap naman sa National Bureau of Investigation (NBI) si assistant coach Sandro Soriano. Siyam na manlalaro ng Ateneo ang dumating rin sa NBI kasama ang kanilang mga kaanak at abogado upang magbigay ng pahayag.
Kasama sina Baldwin, Soriano, Quimpo, at assistant coaches Reynaldo Jacinto Jr. at Dean Castaño sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO), na nag-uutos sa mga awtoridad na magbigay-alerto kung sakaling tangkain nilang bumiyahe sa labas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. # (JCNE)