Mon. Jun 15th, 2026

Kinompirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan ng mga graft investigator ang alegasyong sina Senador Mark Villar at Camille Villar ay nakialam sa pagpapatupad ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite extension project.

Sa kanyang weekend radio program, sinabi ni Remulla na nakatuon ang imbestigasyon sa mga paratang na nakadagdag ang mga senador sa pagkaantala ng konstruksiyon ng Niog Station sa Bacoor, Cavite, na nakatakdang matapos sa 2027.

“Iniimbestigahan namin… kasi dapat ‘yan, umabot na ng Cavite ‘yan. Kaya lang ang naging kwento, we are still determining kung totoo o hindi, meron talagang senador, two senators, ‘yung mga Villar, who were going against the alignment,” ani Remulla.

Dagdag niya, tinitingnan ng mga imbestigador ang alegasyong nais baguhin ng mga senador ang ruta ng riles upang dumaan sa C-5 Road sa Las Piñas, kung saan umano may mga ari-arian ang pamilya Villar.

“Gusto nila dumaan sa lupa nila… gusto nila itaas sa C-5 kung saan may lupa sila,” wika pa niya.

Nagbabala si Remulla na ang pagtutol ng mga mambabatas ay maaaring magpahinto sa malalaking proyekto ng imprastruktura.

“We are investing in infrastructure using people’s money… Ang problema, if it goes against their interest, ayaw nila suportahan. Hinaharang nila,” aniya.

“They are using the rules of the Senate, the rules of the House… ‘yung greed sana mamoderate. Tama na.”

Sinabi ng Ombudsman na nire-review ng mga imbestigador ang mga komunikasyon at rekord mula sa mga ahensiyang sangkot sa proyekto. Wala pang pahayag ang kampo ng Villar hinggil sa mga alegasyon. # (ROSE NOVENARIO)

By admin