Fri. Jun 19th, 2026

Naghain ng manifestation sa Korte Suprema sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, mga ina ng dinukot na mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, upang obligahin ang Bureau of Corrections (BuCor) na ilantad ang kasalukuyang kinaroroonan ni retiradong Major General Jovito Palparan bunsod ng mga ulat na siya ay nailipat umano sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Matatandaang noong 2018, nahatulan si Palparan ng pagkakakulong dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban kina Sherlyn at Karen, isang makasaysayang tagumpay para sa mga biktima ng enforced disappearances at karapatang pantao.

Gayunman, mula sa paglilitis hanggang sa kanyang pagkakakulong, nakinabang si Palparan sa mga pribilehiyo na hindi karaniwang ibinibigay sa mga ordinaryong bilanggo.

Sa loob ng maraming taon, siya ay nanatili sa Fort Bonifacio imbes na sa regular na kulungan, dahil umano sa banta sa kanyang seguridad.

Nang mailipat sa New Bilibid Prison (NBP), hindi rin siya agad nakasama sa karaniwang selda ng mga preso.

Isang taon matapos ang hatol, pinayagan pa siyang magkaroon ng on-camera interview, taliwas sa mahigpit na patakaran sa media access sa mga bilanggo at sa kawalan ng pahintulot mula sa hukuman.

Para sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ang ulat ng paglilipat kay Palparan sa PMA ay “lubhang nakakabahala.”

Bilang isang preso na may hatol na reclusion perpetua, dapat siyang manatili sa Maximum Security Camp ng NBP sa Muntinlupa City.

“Ang pagbibigay ng espesyal na trato sa isang hinatulang lumabag sa karapatang pantao ay nagpapadala ng maling mensahe—na maaaring takasan ang pananagutan ng mga makapangyarihan o may koneksyon,” giit ng NUPL.

Nanindigan ang mga pamilya nina Sherlyn at Karen, kasama ang NUPL, sa panawagan ng ganap na pagbubunyag sa kinaroroonan ni Palparan, bilang mahalagang hakbang upang igiit ang hustisya at mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistemang panghukuman. # (ROSE NOVENARIO)

By admin