Sun. Aug 9th, 2026

šŸ“·: Isa sa dalawang arestadong suspek sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City. (Contributed photo)

 

Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ng agarang pagpapatibay sa mga support system ng mga paaralan matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.

Sa opisyal na pahayag, ipinaabot ni ACT Chairperson Ruby Bernardo ang pakikiramay sa mga pamilya, guro, at mag-aaral na naapektuhan ng trahedya.

ā€œNasa puso namin ang mga pamilyang nawalan ng anak, ang mga estudyanteng nasugatan, at ang mga guro at mag-aaral na nakasaksi sa napakasakit na pangyayari. Sa ganitong sandali, kailangan ng buong komunidad ng paaralan ang kalinga, suporta, at paggaling,ā€ ani Bernardo.

Binigyang-diin ng ACT na hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang pamamaril at hindi sapat ang mga tugon na nakatuon lamang sa parusa o seguridad.

ā€œKailangang harapin ang mas malalim na kalagayan na nag-iiwan sa maraming kabataan na walang sapat na gabay at suporta. Ang mga paaralan ay hindi dapat tingnan bilang lugar na kailangan lamang ng mas mahigpit na pagbabantay; dapat silang palakasin bilang mga espasyo ng kalinga, pagkatuto, at paghubog ng tao,ā€dagdag ni Bernardo.

Tinukoy ng ACT ang mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na nagpapakita kung paanong ang sobrang siksikan sa mga silid-aralan ay nagdudulot ng kawalan ng seguridad sa mga mag-aaral.

ā€œIpinapakita ng EDCOM na ang overcrowding ay hindi lamang usapin ng pagkatuto kundi usapin din ng kapakanan ng mag-aaral. Kapag limampu o sisenta ang nasa isang klase, mahirap magbigay ng makabuluhang gabay at interbensyon. Mas ligtas at mas suportado ang mga estudyante sa mas maliliit na grupo,ā€ paliwanag ni Bernardo.

Dagdag pa niya, kailangang harapin ang mas malalim na kondisyon ng lipunan na nagbubunsod ng kultura ng karahasan.

ā€œLumalaki ang kabataan sa lipunang puno ng hindi pagkakapantay-pantay, katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, at pagpapahalaga sa yaman kaysa sa dignidad ng tao. Ang tunay na solusyon ay ang pagtatag ng kultura ng kapayapaan, katarungan, pananagutan, at demokratikong partisipasyon sa pamamagitan ng edukasyon,ā€ aniya.

Muli ring iginiit ng ACT na ang krisis sa edukasyon ay krisis din sa student support. Binanggit ng grupo ang kakulangan ng tinatayang 150,000 guro at higit 160,000 silid-aralan sa buong bansa, gayundin ang kakulangan ng guidance counselors, nurses, at psychosocial support personnel.

ā€œKung seryoso tayong lumikha ng ligtas na kapaligiran sa pag-aaral, dapat tayong mamuhunan sa mga tao at pasilidad na nagbibigay ng seguridad,ā€ ani Bernardo.

Sa huli, nanawagan ang ACT ng mas malaking pondo para sa edukasyon upang tugunan ang mga kakulangan.

ā€œAng tunay na kaligtasan sa paaralan ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na laban para sa de-kalidad na edukasyon. Para sa kapakanan ng ating mga anak, dapat tayong magtayo ng mga paaralan na hindi lamang lugar ng pagkatuto, kundi mga komunidad ng kalinga at pag-asa,ā€ pagtatapos ni Bernardo. # (ROSE NOVENARIO)

By admin