Hiniling ng Sandiganbayan ang pananagutan ng Philippine National Police matapos payagan sina Vice President Sara Duterte at Sen. Robin Padilla na bisitahin si Sen. Rodante Marcoleta, na kasalukuyang naka-confine sa PNP General Hospital dahil sa pulmonya.
Itinanong ni Associate Justice Ronald Moreno ng Third Division sa mga opisyal ng pulisya: “He has pneumonia. Why are we allowing him to be visited by several individuals? He is under your care.” Ang tanong ay itinuro kay Police Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine Department, na dati nang nagrekomenda ng isolation para kay Marcoleta hanggang Hulyo 15 upang tapusin ang antibiotics.
Aminado si Bayani na wala siya nang dumating sina Duterte at Padilla. Nang tanungin kung siya ba ay may command responsibility, sagot niya: “We will look into it.”
Samantala, sinabi ni PNP Health Service director Brig. Gen. Portia Manalad: “It was a lapse on our part. It won’t happen again.”* Nilinaw niyang ang pagkukulang ay sa hindi pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask ng pasyente at mga bisita.
Si Marcoleta, na inaresto noong Hulyo 6 dahil sa kasong plunder na nagkakahalaga ng ₱75 milyon kaugnay ng hindi idineklarang campaign donations, ay nasa hospital detention dahil sa pulmonya at sakit sa puso.
Ayon kay Bayani, si Marcoleta ay “fit to travel” basta’t nakasuot ng mask, at kumpirmadong bumubuti na ang kalagayan. “Upon admission, Your Honor, but he is now improving,” sagot niya nang tanungin kung life-threatening ang sakit.
Inutusan ni Justice Karl Miranda, chair ng Third Division, si UP PGH director Dr. Gerardo Legaspi o sinumang kanyang awtorisadong doktor na magsagawa ng medical examination. “Your answers to the questions of the Justice are very revealing,” ani Miranda.
Inaasahang ililipat si Marcoleta sa New Quezon City Jail male dorm sa Payatas, kung saan nakakulong din ang mga co-accused na sina dating Anakalusugan Rep. Michael Defensor at mga negosyanteng Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.
Sa kaugnay na desisyon, pinayagan ng Third Division ang hiling ng Sixth Division na pagsamahin ang kasong plunder at ang hiwalay na kaso ng pagtanggap ng regalo laban kay Marcoleta at Espiritu, para sa iisang paglilitis sa ilalim ng Third Division. # (RRN)