Nagsampa ng three counts ng grave threats ang Department of Justice (DOJ) laban kay Vice President Sara Duterte nitong Martes, kaugnay sa kanyang pahayag noong 2024 na nag-utos siya sa isang tao na patayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pa sakaling siya ay mapaslang.
Ayon sa DOJ, isinampa ang kaso sa Office of the Clerk of Court ng Quezon City Regional Trial Court ganap na 1:30 p.m. Samantala, ibinasura ang hiwalay na reklamo para sa inciting to sedition.
Nag-ugat ang kaso sa online press briefing ni VP Sara noong 2024, kung saan sinabi niyang nag-utos siya na patayin sina Marcos, Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez kung magtagumpay ang umano’y planong pag-atake laban sa kanya.
Noong Pebrero 2025, inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso, na nanatiling nakabinbin sa DOJ hanggang sa simula ng impeachment trial ng Bise Presidente.
Sa naturang paglilitis, tumestigo si NBI Director Melvin Matibag na ikinonsidera ng ahensya ang posibilidad ng sabwatan na kinasasangkutan ni VP Sara at ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Kinumpirma ng abogado ni VP Sara, si Atty. Paul Lawrence Lim, ang pagsasampa ng grave threats cases, at iginiit na nananatiling inosente ang bise presidente sa ilalim ng batas. Aniya, bilang isang impeachable officer, hindi maaaring litisin si Duterte para sa kasong kaugnay din ng impeachment proceedings.# (RRN)