Wed. Nov 27th, 2024

AKTIBO pa sa serbisyo si Lt. Col. Dennis Nolasco pero ‘on schooling’ siya sa kasalukuyan, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tinukoy si Nolasco ni dating Department of Education (DepEd) Special Disbursement Officer (SDO) na si Edward Fajarda na pinagpasahan niya ng milyun-milyong pisong confidential fund ng kagawaran, batay sa direktiba sa kanya ni Vice President Sara Duterte nang kalihim pa ito ng kagawaran.

Sinabi ng AFP, dating nakatalaga si Nolasco sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).

Isiniwalat ni Fajarda sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, na kahit siya ang SDO ng DepEd, ibinibigay niya kay Nolasco ang confidential fund kapag na-withdraw na niya mula sa LandBank.

Ngunit wala umanong alam si Fajarda kung paano ginasta ang pondo dahil si Nolasco aniya ang eksperto sa confidential operations.

Ang ibinibigay na lamang ni Nolasco aniya ay ang mga acknowledgement receipts para sa liquidation ng pondo.

Ipinatawag ng House Blue Ribbon Committee si Nolasco sa susunod na pagdinig sa Biyernes, Nobyembre 29. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *