HINDI na nagawa ng overseas Filipino worker na si Dafnie Nacalaban mula sa Kuwait ang planong sorpresa sa kanyang pamilya nang matagpuan ang kanyang naaagnas na katawan sa bakuran ng kanyang employer.
Nabatid na dalawang buwan na nawala si Nacalaban bago nakita ang kanyang naaagnas na bangkay sa likod-bahay ng kanyang amo.
“Tinatanong namin siya kailan talaga uwi niya. Sabi niya, ‘Basta i-surprise ko kayo sa December.’ Ito pala yung surprise niya,” sabi ng kanyang kapatid na si Michael Nacalaban Lensahan.
Idinagdag ni Michael na sa kanilang huling pag-uusap noong Mayo 2024,walang nabanggit ang kanyang kapatid na mayroon siyang problema.
“Opo, balak po talaga na itago po [ang insidente]. Ang hiling lang po namin sana makauwi yung kapatid namin tapos mabigyan po ng hustisya kung ano ang talagang nangyari sa kaniya. Bakit po ganun ang ginawa sa kaniya?” dagdag niya.
Samantala, ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na ang kapatid ng suspek ang nag-ulat ng insidente na humantong sa pagkakadiskubre sa bangkay.
Ibinahagi din niya na nakakulong na ang suspek na may dating criminal record.
“Yung kapatid mismo ng suspect sinabihan yung pulis. Ininvestigate nung pulis. Nakita ng pulis sa bahay yung bangkay, advanced state of decomposition, mag da-dalawang buwan na,” sabi niya.
“We assure the Public that the government will do what it can to seek justice. Malungkot na nangyari ito, katapusan ng taon, (It’s sad that this happened at the end of the year,” dagdag niya. (ZIA LUNA)